MANILA, Philippines – Inihain na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang dalawang panukalang batas na naglalayong gawing simple ang justice system at criminal laws ng bansa.
Ang mga ito ay ang House Bill No. 2032 o ang Criminal Investigation Act of 2013 at ang House Bill No. 2300 o ang Philippine Codes of Crimes.
Ayon kay House Committee on Justice Chairman Niel Tupas Jr, sa mga nasabing panukala, magkakaroon na ng mas malawak na hurisdiksyon ang bansa sa mga Pilipino na nakagawa ng krimen sa labas ng bansa.
Ginagawang madali rin nito ang kategorya ng krimen sa pamamagitan ng pag-aalis na sa “frustrated stage”, at tatawagin na lamang itong attempted at consummated.
Para naman sa participation of crimes, kung ngayon ay kina-classify ito bilang principal, accomplices at accessories, sa panukalang ito ay magiging principal at accessories na lamang.
Aalisin narin ang mga terminolohiyang Spanish at Latin sa mga parusang ipinapataw ayon sa Revised Penal Code gaya ng Reclution Perpetua.
Ika-classify na lang ito bilang level 1 to level 5 at life imprisonment.
Ang double jeopardy ay maaari nang i-apela ng estado.
Magkakaroon din ng pagbabago sa mga fine o multa sa bawat kaso.
Ibabase ito sa income o pinagkakakitaan ang multang ipapataw sa sinumang mahaharap sa isang kaso.
“Example a crime committed by a CEO of the corporation criminal case filed together with his driver same case, same range of penalty but different fines yung corporate office magpa-fine ng malaki dahil makakabayad sya nun eh, eh yung driver nya na di naman kaya maliit lang base on the income,” paliwanag ni Tupas.
Ayon pa sa mambabatas, mas pinababa rin ng panukalang batas ang edad ng mga batang maaaring patawan ng criminal liability.
“Under this bill we lowered it to 13 years old nae-exploit na kasi ang mga kabataan natin ngayon by the organized crime, it’s about time to lower the minimum age of criminal age of criminal responsibility.”
Ilan lamang ito sa mga nais amyendahan ng mga mambabatas sa kasalukuyang Revised Penal Code na 81 taong nang ginagamit ng bansa.
Kabilang sa nag-endorso ng mga amendment ay ang National Bureau of Investigation at si Justice Sec. Leila De Lima.
“The cases filed in the court are solid and air tight weak cases that contribute do docket congestions will be lessen to expedite priority cases,” ani De Lima.
Sa susunod na buwan, ihahain naman ni Congressman Niel Tupas Jr ang isa pang panukalang batas na mag-aamyenda sa proseso ng imbestgasyon.
Tiniyak ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na maipapasa nila ang mga nasabing panukalang batas upang mapabilis ang pag-usad ng kaso sa bansa.
Target ng mga mambabatas na sa taong 2015 ay magkaroon na ang bansa ng bagong Philippine code of crimes. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)