MANILA, Philippines — Kinatigan ng Supreme Court ang petisyon ni Sen. Juan Ponce Enrile na makapag-piyansa sa plunder case na kinakaharap niya sa Sandiganbayan, kaugnay ng pork barrel scam.
Ngunit ayon sa tagapagsalita ng Supreme Court na si Atty. Thedore Te, magtatakda pa ang korte ng mga kondisyon para sa pansamantalang kalayaan ng senador.
“The court granted the petition for bail of petitioner Juan Ponce Enrile, subject to the terms and conditions to be specified by the court in its order which will be forthcoming.”
Wala pang ibang detalye na ibinibigay ang Korte Suprema tungkol sa desisyon at di rin tiyak kung mailalabas ito ngayong araw ng Martes.
Ngunit ayon sa ilang source, walong mahistrado ang bumoto pabor sa desisyon at apat naman ang tumutol.
Kabilang sa mga tumutol na makapagpyansa si Enrile sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Justice Antonio Carpio, at Associate Justices Estela Perlas Bernabe at Marvic Leonen.
Isang milyong piso ang itinakdang pyansa sa pansamantalang kalayaan ng senador.
Kakailanganin ang kopya ng desisyon ng Korte Suprema upang makapaglagak si Enrile ng pyansa sa Sandiganbayan.
Kapag nakapagpyansa na ang senador at nasunod na ang mga kondisyon ng Korte Suprema ay saka lamang mag-uutos ang Sandiganbayan na palayain si Enrile.
Kasalukuyang naka-hospital arrest ang senador sa PNP General Hospital sa Quezon City.
Umpela sa Korte Suprema si Enrile dahil hindi pagbigyan ang kanyang bail petition sa Sandiganbayan.
Ikinatwiran ng senador sa kanyang petisyon na dapat siyang payagang magpiyansa dahil hindi siya flight risk at hindi naman napatunyan ng prosecution na malakas ang ebidensiya laban sa kanya.
Dapat din umanong ikonsidera ng korte ang kanyang boluntaryong pagsuko at ang kanyang katandaan. (RODERIC MENDOZA / UNTV News)
The post Sen. Juan Ponce Enrile, pinayagan ng Korte Suprema na magpyansa sa kasong plunder appeared first on UNTV News.