CAMARINES SUR, Philippines — Pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang paggunita sa ika-3 taon ng pagpanaw ng dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government na si Jesse Robredo.
Alas-otso ng umaga nitong Martes nang dumating ang Pangulo kasama ang ilang miyembro ng gabinete sa Eternal Gardens kung saan nakahimlay ang labi ng dating kalihim.
Kasama rin ng pangulo ang ilan sa miyembro ng kanyang gabinete na sina DILG Sec. Mar Roxas, Justice Sec. Leila de Lima, DEPED Sec. Armin Luistro at DSWD Sec. Dinky Soliman at ang kanyang mga tagapagsalita.
Pagkatapos nito ay agad na pumunta ang punong ehekutibo sa Naga City Hall upang pangunahan ang multi-sectoral forum bilang bahagi ng selebrasyon sa Jesse M. Robredo day kung saan inalala ng iba’t-ibang personalidad ang mga nagawa ng dating kalihim para sa pamahalaan.
Sa talumpati ni Sec. Roxas, inalala niya ang mga pinagsamahan nila ni Robredo pati na ang mga panahong nagsagawa sila ng vigil nang mapaulat na bumagsak ang eroplanong sinakyan ng dating kalihim mula sa isang biyahe sa Cebu.
“As much I struggle to remember my first encounter with Jesse, I will never forget that sinking feeling that hollowness that followed after determining that Jesse is no longer with us.”
Nagsalita rin ang biyuda ng dating kalihim na si Congresswoman Leni Robredo at nagpasalamat sa lahat ng mga sumuporta sa kanilang pamilya.
Nanawagan rin siya sa publiko na buhayin ang ala-ala ni Sec. Jesse sa pamamagitan ng pagpanig sa katotohanan, katapatan at kabutihan.
“Nagagalak po ako sa araw na ito, nagpapakita at nagpapatunay na buhay pa rin si Jesse sa ating gunita lumipas man ang tatlong taon. Asahan ninyo na pahahalagahan namin ang inyong hindi paglimot at ang mga magagandang samahan hanggang sa huling hininga,” ani Rep. Robredo.
Si Pangulong Aquino naman ay ginunita ang serbisyo sa gobyerno ni Robredo na nagsilbing huwaran at inspirasyon sa ipinatutupad na reporma ng administrasyon.
“Sigurado rin ako na mahal na mahal nya kayong lahat hindi ko man kayo nakilala noon nakita kung papaano nya pinahalagahan ang bawat pagkakataon na makasama kayo. Si Jesse, isang tunay na anak ng Naga. Nakita niya ang mga problema ng mga Nagueño at tinanong niya bakit kailangan maging ganito. Gaya ng aking Tiyong Butch (former Senator Agapito ‘Butz’ Aquino) iniwan niya ang kanyang komportableng buhay sa pribadong sector para simulan ang paglilingkod sa kanyang mga kababayan,” ani Pangulong Aquino.
Ilang sektor din ang nakiisa sa paggunita sa araw ni Jesse Robredo sa pamamagitan ng pagsusuot ng tsinelas na siyang nagging trademark ng simple ngunit epektibong leadership ng yumaong kalihim noong siya pa ang alkalde ng Naga City.
August 18, 2012 nang mamatay si Robredo, kasama ang dalawang piloto, matapos bumagsak ang sinakyan niyang chartered plane sa karagatang bahagi ng Masbate.
Ang insidenteng ito ang nagbunsod ng inspeksyon sa aviation schools sa bansa matapos lumabas sa imbestigasyon na pinayagan ang paglipad ng eroplano kahit hindi ito dumaan sa inspeksyon. (ALAN MANANSALA / UNTV News)
The post Ikatlong taon mula ng pumanaw ni dating DILG Sec. Jesse Robredo, ginunita sa Naga City appeared first on UNTV News.