MANILA, Philippines — Siguradong ikatutuwa ng mga kabataang mahilig sa rhythm and blues o RnB ang pagkaka-areglo ng ikalimang awit na nai-record para sa A Song of Praise o ASOP Music Festival 2015 Grand Finals album.
Lapat na lapat sa estilo ng musikong si Maki Ricafort ang modernong tunog ng “Walang Hanggan” na komposisyon ng tubong Cavite na si Benedict Sy.
Pahayag ni Maki, “Sobrang nakakatuwa dahil yung taste niya, class. So hindi lang siya yung panglaban kundi pangbenta, eh. Alam mo naman yung lumalabas na ngayong mga tipong John Legend, ang ganda, yung tipong pinoy na quality.”
Hindi naman inasahan ni Benedict ang lubos na ikinaganda ng kanyang obra dahil sa areglo at pagkaka-awit ng interpreter nito.
“Umover sa expectation po mas maganda yung nangyari. Akala ko mas maganda na siya nung sa ASOP, ng weekly finals, nung live, pero mas maganda siya nung na-arrange na siya nung arranger.”
Samantala, naging memorable naman kay newest balladeer Philippe Go ang kanyang kauna-unahang salang sa recording dahil sa dami ng kanyang natutunan mula kay Doktor Musiko Mon del Rosario.
Sa simula pa lamang na ma-assign sa kanya ang awiting “Pahintulutan Mo” ni Leonardo de Jesus III na mula sa Pampanga ay nabighani na sya rito.
Ani Go, “First time kong sumabak sa recording ng isang kanta — ang hirap pala. Hindi pala 1 take lang, kailangang marami siyang pagdadaanang proseso… pero masaya sabi nga nila parang minimilk mo yung cow.”
Nakita at nadinig naman ni Leonardo kay Philippe ang gusto nyang mangyari para sa kanyang komposisyon.
“OK na OK as in swak na swak yung boses nya talaga dun sa kanta. Bagay na bagay talaga… talagang inangkin nya na yung kanta, kinakanta nya na parang sarili nya doon sa song.”
Anim na awitin na lamang ang hihintaying mai-record upang mabuo na ang naturang album na makukuha ng libre sa grand finals night ng ASOP sa Oktubre sa Mall of Asia Arena, Pasay. (ADJES CARREON / UNTV News)
The post Singing champions Maki Ricafort at Philippe Go, nag-record na para sa ASOP Year 4 commemorative album appeared first on UNTV News.