MANILA, Philippines — Malinis na sa mga traffic obstruction ang tapat ng Balintawak Market simula nitong umaga ng Lunes.
Wala na ang mga truck na nagbababa ng mga paninda at wala na rin ang mga sidewalk vendor na araw-araw ay nakikita sa palengke ng Balintawak.
Isa ang Balintawak sa anim na choke point na babantayan ng Highway Patrol Group araw-araw sa pag-asang maibasan ang trapik sa EDSA.
Sa pangkalahatang assessment ng HPG sa unang araw na pagmamando sa EDSA, tatlo sa anim na choke point ang bahagyang lumuwag ang trapiko.
Kabilang dito ang Balintawak, Guadalupe at Taft Avenue.
Ayon kay HPG Director C/Supt. Arnold Gunnacao, 80 percent ng mga motorista ang sumunod sa batas trapiko sa unang araw ng kanilang pagmamando ng trapiko sa EDSA.
“So far we have seen improvement with regards to the travel time at least 10 minutes but based form the feedback more than 10 minutes na save nila… We will try to improve that all the way from Monumento up to Pasay City.”
Simula Martes naman ay manghuhuli na ang HPG sa mga pasaway na driver. Wala umano silang sisinuhin kahit na mataas na opisyal pa ng gobyerno.
Anang HPG chief, “Yung mga huli huli (this Monday) i-sinantabi muna, we gave them warning and by tomorrow (Tuesday) you expect some apprehensions.”
Nakikipag-ugnayan na rin ang HPG sa lokal na pamahalaan ng San Juan upang maalis ang mga nakaparadang sasakyan sa tapat ng La Salle Greenhills na nagiging sanhi ng pagbagal ng daloy ng sasakyan sa lugar.
Gayunpaman, may ilan ring umangal tulad na lamang ni Aling Baby Hutalan (pasahero) sa unang araw ng pagdestino ng HPG sa trapiko management sa EDSA.
“Araw-araw kami bumibiyahe kaya nahihirapan kame, doon kasi talaga ang sakayan namin imbes na konte lang ang pamasahe namin nadaragdagan.”
Aminado naman ang HPG na hindi nila kayang maibsan ang trapiko sa EDSA sa loob ng isang araw lamang kaya humingi pa sila sa publiko ng hanggang isang linggo o higit pa dahil sa bandang huli sila rin naman ang makikinabang.
“Unti-unti the leeway that I can give myself is 10 minutes improvement in travel time. Kapag gumanda, OK lang. Pero i-improve ng iimprove yan, hopefully, with the cooperation of police, commuters and drivers,” pahabol ni HPG C/Supt. Arnold Gunnacao. (GRACE CASIN / UNTV News)
The post Tatlo sa anim na choke point sa EDSA, bahagyang lumuwag — HPG appeared first on UNTV News.