DAVAO, Philippines — Sa bahagi ng kilometer 11 sa Sasa, Davao City ay isang multiple collision ang nirespondehan ng UNTV News and Rescue.
Apat na sasakyan ang nagbanggaan na kinabibilangan ng isang strada pickup na bumangga sa pampasaherong multicab, motorsiklo at isa pang taxi na nakaparada lamang sa gilid ng daan.
Nadamay rin sa aksidente ang isang karinderia at burger store na malapit sa kalsada.
Pahayag ng may-ari ng nabanggang tindahan na si Violeto Pamulagan, (translated) “Wala na, ano na siya, na-out of control na kaya tumagilid siya pagdating diyan.”
Kaagad na nilapatan ng paunang lunas ng rescue team ang customer ng burger store na si Raji Osispral, 33 anyos, na nagtamo ng mga sugat sa mukha.
Matapos magamot ang mga sugat ay tumanggi na itong magpadala sa hospital.
Ang driver naman ng pickup na kinilalang si Michael Otero ay nagtamo lamang ng kaunting galos sa kaliwang bahagi ng kanyang siko at tumanggi nang magpalapat ng paunang lunas.
Ayon kay Otero, pumutok ang gulong ng kaniyang minamanehong sasakyan kaya nawalan siya ng control.
Samantala, nirespondehan naman ng UNTV News and Rescue Team ang nangyaring aksidente sa bahagi ng Las Piñas City matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen noong Biyernes.
Nadatnan ng grupo ang biktima na kinilalang si Jun Rey Placencia, 36-anyos habang iniinda ang kanyang mga sugat sa katawan matapos maaksidente sa motorsiklo habang bumibiyahe papasok sa trabaho.
Ayon sa biktima, nakatulog siya habang nagmamaneho sa bahagi ng Daang Hari Road kaya siya nawalan ng kontrol sa manibela.
Matapos malapatan ng paunang lunas ay inihatid siya ng rescue team sa pagamutan. (UNTV News)
The post Banggaan sa Davao City, nirespondehan ng UNTV News and Rescue appeared first on UNTV News.