MANILA, Philippines — Hindi panghihimasukan ni Sec. Leila de Lima ang piskal na hahawak sa reklamong isinampa laban sa mga opisyal ng Iglesia ni Cristo.
Paglilinaw ni De Lima, dadaan ito sa regular na proseso ng preliminary investigation kung saan malayang matitimbang ng prosecutor kung may basehan ang mga alegasyon.
“As I said, I cannot interfere; I cannot dictate on them at this stage. Ang sinasabi ko lang palagi sa kanila, sundin ang tamang proseso — ang tama at regular process based on established procedures,” ani De Lima.
Ayon pa sa kalihim, hindi siya kundi ang prosecutor na hahawak sa reklamo ang may poder na mag issue ng subpoena upang ipatawag sa pagdinig ang inirereklamong mga opisyal ng Iglesia Ni Cristo.
Ngunit ayon sa kalihim, karaniwang tinututukan niya ang usad ng isang sensitibo o high-profile na kaso dahil sa interes dito ng publiko.
Hindi umano dapat pagkamalian na dahil dito ay binibigyan na niya ng espesyal na atensyon ang isang kaso.
Dagdag pa ni Sec. De Lima, “What I normally do especially when it comes to high-profile, sensitive cases, is mino-monitor ko lang po yan and give the proper guidance. I’m talking in general, because these high-profile, sensitive cases, very high ang public interest. So, I monitor, so that I know what’s happening. That’s not special attention. And in fact, I consider this as part of my job, to monitor these cases.”
Walong miyembro ng sanggunian ng Iglesia ni Cristo ang nahaharap sa kasong serious illegal detention, harassment, threats at coercion batay sa reklamong isinampa ng dating ministro na si Isaias Samson Jr.
Sa ngayon ay wala pang aksyon dito ang DOJ dahil katatapos lamang makumpleto ng complainant ang kinakailangang mga dokumento. (RODERIC MENDOZA / UNTV News)
The post Reklamong isinampa laban sa mga opisyal ng Iglesia Ni Cristo, hindi pakikialaman ni Justice Sec. Leila de Lima appeared first on UNTV News.