BATANGAS, Philippines — Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang isang aksidente sa kahabaan ng CM Recto Highway sa Lipa City pasado alas-dos, Biyernes ng madaling araw.
Isang labing-isang taong gulang na batang lalaki, na kinilala sa pangalang mark, ang nabiktima ng hit and run.
Nagtamo ang bata ng mga gasgas sa kanang balikat at magkabilang tuhod at posibleng bali sa kanyang kamay.
Ayon sa nakakita sa pangyayari na tumangging magpakilala, naglalakad lang sa gilid ng kalsada ang bata nang bigla itong mahagip ng humaharurot na motorsiklong walang headlight.
Natumba pa aniya ang motorsiklo matapos mabangga ang bata ngunit sa halip na tumulong sa biktima ay agad tumakas ang driver nito.
Pahayag ng isang nakasaksi, “Doon sa kabilang side may bumagsak malakas, tapos akala ko kung ano single na motor tapos maya maya pandalas na bumangon at humataw uli.”
Matapos lapatan ng paunang lunas ay inihatid ng UNTV Rescue sa ospital ang bata.
Samantala, sa bahagi naman ng Cavite ay isang aksidente sa motorsiklo ang nirespondehan ng UNTV News and Rescue team sa kahabaan ng Molino Boulevard.
Ang mga biktima ay mag-asawang Benjie Gadiano at Maricar Palma na parehong nagtamo ng mga sugat sa mukha, gasgas sa tuhod at posibleng bali sa kamay.
Kwento ng mag-asawa, bumibiyahe sila papuntang pasay nang bigla silang i-cut pakaliwa ng isang kotse.
Tumama umano sa kanilang motorsiklo ang likuran nito kaya sila nawalan ng balanse.
Depensa naman ng driver ng kotse na si Cherry Unlayao, hindi niya napansin ang motorsiklo at nagulat siya nang bigla na lang itong bumangga sa kanyang sasakyan.
Matapos lapatan ng paunang lunas ng UNTV Rescue ay inihatid na sila sa ospital ng rumespondeng ambulansya ng Bacoor City. (UNTV News)
The post Batang nabiktima ng hit and run sa Lipa City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team appeared first on UNTV News.