QUEZON CITY, Philippines — Pitong oras na water supply reduction ang mararanasan ng mga customer ng Manila Water simula sa susunod na linggo.
Hindi naman mawawalan ng supply ng tubig kundi hihina lamang ang pressure na dumadaloy sa mga gripo bilang paghahanda sa maaring maging epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.
Sinabi ng Manila Water ipatutupad ang water supply reduction simula alas 10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga araw araw.
Pahayag ni Manila Water Corporate Communications Head Jeric Sevilla, “This is to ensure na medyo minimal ang inconvenience dahil ito ay off peak period so hindi ito ang kasagsagan ng gamit ng mga customers natin.”
Apektado ng water pressure reduction ang 1.4 million na sambahayan katumbas ng 155 na mga barangay sa Makati, Mandaluyong, Marikina, Parañaque, Pasig, Quezon City, San Juan, Taguig at Antipolo.
Humingi naman ng paumanhin ang Manila Water sa mga customer nito at sinabing mahalaga ang pagbabawas sa pressure ng tubig upang maseguro na sasapat ang tubig sa Angat Dam hanggang sa susunod taon.
Sa kabila ng madalas na pagulan na nagdagdag ng supply ng tubig sa Angat Dam, mag a-adjust pa rin ang mga water concessionaire ng pressure ng tubig, dahil ayon sa PAGASA, mas magiging madalang ang pag-ulan pagpasok ng Oktubre.
Ibig sabihin, mas hihina pa ang daloy ng tubig sa mga darating na buwan na maaaring mauwi sa water interruption.
Ani Sevilla, “Many things can happen, pwede humaba yung time ng pressure reduction or pwede ng during the time ng off peak, mayroon nang interruption.”
Nilinaw ng Manila Water na hindi pa naman napapanahon na mag-imbak ng maraming tubig, ngunit importante pa rin ang magtipid sa kunsumo sa tubig.
Patuloy na inoobserbahan ng Manila Water ang level ng tubig sa Angat Dam na sa ngayon ay nasa 189 meters.
Kung maabot ang target na 212 meters na water level hanggang sa katapusan ng taong 2016 ay mairaraos ang mga susunod na buwan na umiiral ang El Niño sa bansa.
Noong martes unang nagpatupad ang Maynilad ng pagbabawas sa alokasyon ng tubig sa mga customer nito na apektado naman sa mga consumer nito sa lungsod ng Maynila. (MON JOCSON / UNTV News)
The post Water supply ng Manila Water babawasan na sa susunod na linggo appeared first on UNTV News.