QUEZON CITY, Philippines — Pinagsusumite ng position paper ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga Transport Network Company (TNC) hinggil sa paraan ng pagtatakda ng halaga ng pasahe.
Plano ng LTFRB na i-regulate ang pasahe maging ang tinatawag na surge pricing ng mga TNC kung saan ay nagdo-doble at minsan ay nati-triple pa ang halaga ng pasahe kapag umuulan o di kaya ay mabigat ang traffic.
Ayon sa LTFRB, karapatan nito bilang isang regulatory body na itakda ang pasahe ng mga itinuturing na public transportation.
Maging ang pagbibigay ng malaking insentibo sa mga driver ay kinuwestyon rin ng LTFRB.
Hiningan rin ng paliwanag ng LTFRB ang mga TNC hinggil sa mga sumbong na natatanggap nito kaugnay ng pang-i-snub ng drivers nito sa mga pasahero.
Ayon sa LTFRB, wala ng ipinag-kaiba sa mga regular na taxi ang Uber at Grab kung magpapatuloy ang ganitong gawain ng kanilang mga driver.
Natukoy ng LTFRB na ang problema ay nagmumula sa ginagamit na application ng mga driver ng Grab Car at Uber.
Sa Grab Car, nakikita ng driver ang destinasyon ng pasahero at may option na pwedeng tumanggi ang driver.
Sa Uber, hindi naman nakikita ng driver ang destinasyon ng pasahero subali’t may option naman na maaaring tumanggi ang driver.
Kaya ipinag-utos ng LTFRB na alisin na ang drop off option kung saan nakikita ng driver ang destinasyon ng kanilang mga pasahero.
Maging ang option sa pagbibigay ng tip ay ipinag-utos na rin na tanggalin dahil nagiging dahilan pa ito na mamili ang mga driver ng pasahero.
Pahayag ni LTFRB Chairman Winston Ginez, “We think that is a bribe and nasa pasahero pa rin naman kung bibigyan niya ng tip by way of giving an additional cash payment o dun naman sa mga Uber kung maglalabas ka ng pera mo if your satisfied. So, hindi na kailangang ilagay pa yun dun sa system.”
Samantala, naghain ng reklamo ang ilang grupo ng mga taxi operator sa LTFRB upang ipatigil ang pagbibigay ng prangkisa sa mga transport network vehicle.
Sa susunod na linggo ay didingin ng LTFRB ang naturang reklamo. (MON JOCSON / UNTV News)
The post Pasahe sa Uber at Grab Car, balak nang i-regulate ng LTFRB appeared first on UNTV News.