PASIG CITY, Philippines — Makapigil hiningang tagpo ang nasaksihan ng mgamanunod sa survival game ng dalawang team na nanganganib na matanggal sa first round eliminations ng UNTV Cup Season 4 noong Linggo ng hapon sa Ynares Sports Arena.
Dikitan at naging mainit ang bakbakan ng Judciary Magis at Ombudsman Graft Busters.
Hanggang sa huling 42 segundo ng last quarter ay tabla na 72 ang score.
Isang tres ang pinakawalan ni Frederick Salamat na nagbigay sa Judiciary ng kalamangan sa huling tatlumpo’t dalawang segundo ng laban.
Di nasiraan ng loob ang Graft Busters at na-i-pwersa ang overtime game sa pamamagitan ng isang puntos mula sa freethrow na sinundan pa ng fall away shots ni Edsel del Rosario sa huling labing siyam na segundo.
Nagtapos ang fourth quarter sa 75-all na score.
Sa pagpasok ng overtime game, tuluyan ng naka-alagwa ang defending champion Judiciary Magis sa pamamagitan ng 11-0 run sa loob ng dalawa’t kalahating minuto sa pangunguna ni Warren Ybañez at Kevin Enriquez.
Upang tapusin ang tagtuyot sa kanilang record at maitala ang unang panalo ngayong season pagkatapos ng apat na sunod na laban.
Bagama’t pinalabas sa court si Ariel Capus, Herbert John Bergonio at head coach Dennis Balason ng Magis dahil sa technical foul, hindi ito naging hadlang upang pigilan ang Judicary na uhaw sa tagumpay at tinapos ang laban sa score na 89-83.
Naging susi sa magis ang tinanghal na best player of the game na si Kevin Enriquez na nakapagtala ng 9 points at 3 blocks.
Na sinuportahan naman nina Court Administrator Midas Marquez ng 20 points, 2 steals at 2 blocks at ni Warren Ybanez na tumikada ng 19 points kabilang ang 10 points sa overtime game, 6 rebounds, 2 assist at 2 blocks.
Samantalang kumamada naman ng 36 points at 2 rebounds ang key player ng Ombudsman na si Bernzon Franco, na hindi na nakapaglaro sa overtime game matapos palabasin sa court dahil sa technical foul.
Ani Judiciary Magis playmaker Joey Yabut, “Unang una nagpapasalamat kami sa Itaas, ibinigay sa amin ang game na ito. Siguro, nagbunga rin yung practice naming nuong Friday kasi yung game na ito kailangan naming dahil kapag natalo kami, wala na kami pag-asa, eh kami pa naman ang defending champion.”
Dahil sa kanilang panalo, nabuhayan ng pag-asa ang defending champion na makasama sa 2nd round eliminations.
Dagdag ni Yabut, “Malaking bagay ito kasi magkakaroon na kami ng kumpiyansya, eh. Nakapanalo na kami; mahirap kapag di ka nananalo, nawawala yung mga kumpiyansya ng mga players.”
Susunod na makakalaban ng Judiciary Magis ang HOR Solons sa darating na October 25 sa Ynares Sports Arena alas-singko ng hapon.
Kinakailangan itong maipanalo ng Judiciary upang matiyak na hindi sila mai-eliminate sa 1st round eliminations.
Sa labindalawang teams na naglalaban na nahahati sa dalawang group, bawat team ay may tig-limang laban, at ang dalawang team sa magkabilang groupings na may pinaka-mababang record ang matatanggal sa 1st round eliminations ng UNTV Cup Season 4. (BERNARD DADIS / UNTV News)
The post Judiciary Magis, nabuhayan ng pag-asa matapos manalo kontra Ombudsman Graft Busters appeared first on UNTV News.