MANILA, Philippines – Nagprotesta sa harap ng Korte Suprema ang Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA) upang muling ipanawagan ang pagpapawalang-bisa sa distribusyon ng lot allocation certificate ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Ayon kay AMBALA acting Chairperson Pong Sibayan, nagiging ugat umano ng kaguluhan sa pagitan ng mga magsasaka ang ginawang proseso ng DAR dahil hindi ibinigay sa mga magsasaka ang mga loteng binubungkal at napagyaman na nila simula noong 2005.
Sa kabila ng hindi nakiisa sa raffle ng DAR ang mga benepisaryong kasapi sa AMBALA, inihayag ng DAR na natapos na ang raffle ng lot allocation certificate nitong nakaraang August 19.
Ayon kay DAR Undersecretary Anthony Parungao, 90 porsyento ng mga benepisaryo ang nabigyan na ng lot allocation certificate at pumirma na sa application to purchase and farmers undertaking.
Kakailanganin ang dalawang dokumento upang makakuha ng titulo ng lupa ang mga benepisaryo.
Ayon pa sa DAR, matapos ang raffle ng lot allocation certificate ay sinimulan na ng ahensiya ang pagpoproseso ng certificate of land ownership award o CLOA na ipamimigay sa mga magsasaka. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)