MANILA, Philippines – Halos mapuno ang Ynares Sports Arena nitong Linggo sa dami ng nanood sa pagpapatuloy ng elimination round ng first UNTV Cup.
Sa unang game, ipinaramdam ng team MMDA ang bangis nito sa hard court matapos na ipalasap sa team DOJ ang ikaapat nitong sunod na pagkatalo sa torneo sa pamamagitan ng 36 point win, 108-72.
Bumida para sa MMDA ang forward na si Gilbert Sosa na gumawa ng importanteng 12 points sa laro.
Sa ikalawang laro, naitala naman ng Judiciary ang three consecutive victory sa liga makaraang dominahin ang laro kontra sa Philhealth team sa score na 103-85.
Nanguna sa panig ng Judiciary ang 6-foot-7 center na si Don Camaso na nagtala ng double-double 25 points at 15 rebounds.
Samantala sa final game, nakabalik na sa win column ang AFP makaraang talunin ang Congress-LGU team sa score na 110-83.
Tinanghal na best player of the game ang top 6 scorer ng liga na si Winston Sergio, na umiskor ng 38 points at kumabig ng 9 rebounds.
Nananatili pa rin sa itaas ng standings ang PNP na mayroong tatlong panalo at wala pa ring talo.
Nasa solong ikalawang pwesto naman ang Judiciary na may 3 wins at 1 loss, habang nag-iisa naman ang MMDA sa ikatlong posisyon na may 2-1 win loss record.
Nagsosyo naman ang Philhealth at AFP sa fourth place na may identical 2-2 record.
Bumagsak sa ikalimang pwesto ang Congress-LGU sa pagkakaroon ng 1 win at 3 losses, habang ang team DOJ ay hindi pa rin nakakaahon sa ilalim ng standings na mayroong apat na kabiguan. (Ryan Ramos / Ruth Navales, UNTV News)