MANILA, Philippines — Pasado alas-9 kagabi nang sumuko kay Pangulong Benigno Aquino III sa Malacañang ang wanted na si Janet Lim Napoles na sangkot sa 10 billion-peso pork barrel scam.
Itinurn-over naman ni Pangulo Aquino si Napoles sa kustodiya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP)sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon kay DILG Secretary Mar Roxas, kay Presidential Spokesperson Secretary Edwin Lacierda unang nakipag-usap ang kampo ni Napoles dahil dating magkasama sa isang law firm ang abogado ni Napoles na si Atty Lorna Kapunan at si Lacierda.
“Pumunta si Secretary Lacierda hinarap niya yung abogado at may pinuntahan silang isang lugar at pagkatapos ay pumunta na nang Malakanyang,” anang kalihim.
Sa paglalarawan ni Secretary Roxas, hindi nakaposas at sa isang kwarto sa Camp Crame nagpalipas ng magdamag si Napoles.
Binigyang diin naman ng kampo ni Napoles na hindi ito hinuli kundi kusang sumuko dahil sa banta sa kanyang buhay.
Hindi naman mabigyang linaw kung sino at saan nanggagaling ang banta sa buhay ng sumukong pugante.
“Ang point dito ganagawa natin ang lahat para masecure ang kanyang testimony para malaman natin ang ilalahad niya at nalalaman niya,” dagdag pa ng kalihim.
Samantala, nananatili naman ang limang milyong pisong reward money para sa ikahuhuli ng kapatid ni Napoles na si Reynald Lim.
“Yung kanyang kapatid ay nananatiling pugante o fugitive kaya yung reward na para sa kanya ay tuloy pa rin,” dagdag pa ni Roxas.
Matatandaang naglabas ng arrest warrant ang Makati RTC branch 150 laban sa magkapatid na Janet Lim Napoles at Reynald Lim kaugnay sa kasong serious illegal detention dahil sa umano’y pagdukot ng magkapatid sa pork barrel scam whistleblower na si Benhur Luy na dating empleyado ni Napoles.
Noong March 22, nailigtas ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Luy sa isang condominium unit sa Pacific Plaza Tower sa Bonifacio Global Taguig matapos ang umano’y mahigit tatlong buwang pananatili sa kustodiya ng magkapatid na Lim at Napoles. (Benedict Galazan / Ruth Navales, UNTV News)