MANILA, Philippines — Idinetalye ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda kung paano nangyari ang ginawang pagsuko kay Pangulong Aquino ng suspek sa 10 billion-peso pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Ayon sa kalihim, tinawagan niya mismo ang abugado ni Napoles na si Attorney Lorna Kapunan upang kumpirmahin kung payag nga na sumuko ang kanyang kliyente.
Inihayag ni Kapunan na ibig nang sumuko ng kanyang kliyente kay Pangulong Aquino alang-alang na rin sa kaligtasan ni Ginang Napoles.
Agad namang nakipagkita Lacierda kay Kapunan at sa asawa ni Janet Napoles sa Whitespace, Pasong Tamo sa Makati.
Dito na pumunta ang grupo sa Heritage Park.
“Until 9:08 kinausap ni Mr. Napoles, may tinetext siya at around 9:08 may dumating na dalawang babae tapos tumawag, we didn’t recognize kung sila and call up sila na pala yung dalawang babae na nasa labas,” anang kalihim.
Mag-aalas-10 ng gabi kagabi nang dumating sa palasyo sina Sec. Lacierda, asawa ni Janet Napoles at si Atty. Kapunan kung saan dumaan muna ang grupo sa security check.
Sa palasyo, nakaharap ni Napoles at ng kanyang abogado sina Secretary to the Cabinet Rene Almendras, DILG Sec. Mar Roxas, Usec. Manuel L. Quezon III, deputy spokesperson Abigail Valte at PNP Chief, Director General Alan Purisima.
Umabot lamang ng sampung minuto ang naging paguusap ni Pangulong Aquino at ni Napoles.
Ayon kay Secretary Lacierda, sa naging paguusap ni Pangulo Aquino at Napoles, walang inihayag na mga pangalan kung sino ang pinaghihinalaang nagbabanta sa kanyang buhay, at wala ding napag-usapan sa posibilidad na maging state witness sa pork barrel scam si Napoles.
Pinabulaanan din ng palasyo na nagkaroon ng special treatment si Pangulong Aquino kay Napoles. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)