MANILA, Philippines — Hindi pa napapahahon upang pag-usapan kung magiging state witness si Janet Lim Napoles kaugnay sa multi-bilyong pisong anomalya sa pork barrel ng mga mambabatas.
Sinabi ni Justice Sec. Leila De Lima na bukod sa wala pang kasong naisasampa sa korte kaugnay ng pork barrel scam, hindi ganun kadali ang pag-discharge sa isang akusado bilang testigo ng pamahalaan.
“Wala pa kami sa stage na yan na iko-consider siya as state witness. Hindi naman ganun kadali na ang isang akusado ay maging isang state witness.”
Dagdag pa ng kalihim, kung pagbabatayan ang mga ebidensiyang nakalap ng National Bureau of Investigation (NBI), isa sa pinaka-guilty si Napoles kaya sa ngayon ay malabo itong makapasa sa mga pamantayan ng isang state witness.
“Right now, she appears to be one of the most guilty, na siya yung nasa gitna ng scheme na ito as narrated by the whistleblowers.”
Gayunman, sinabi ni De Lima na hindi pa tuluyang isinasara ang posibilidad na gawing state witness ng pamahalaan si Napoles depende sa kanyang mga isisiwalat na ibidensiya.
“While we cannot rule out totally or discount the possibility of having her as state witness, hindi yun ganun kadali. kailangan ng very incisive evaluation.”
Samantala, tiniyak ng Malakanyang na tuloy ang mga kasong isinampa at isasampa laban kay Napoles kahit boluntaryo itong sumuko.
“Tuloy ang kaso at tuloy po ang mga ibang kaso kung sakaling sasampahan si Gng. Napoles,” ani Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Sa huli, ang korte pa rin ang pinal na magpapasya kung gagawing state witness si Napoles. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)