PASIG CITY, Philippines — Lalong tumitindi ang labanan ng mga kalahok na koponan upang makaseguro ng pwesto sa playoffs sa nalalapit na pagtatapos ng single elimination round ng 1st UNTV Cup.
Ang Team Congress-LGU na lumasap ng 3 consecutive losses ay makikipagtuos sa koponan ng DOJ sa unang game ng triple header ngayong Linggo, September 1 sa Pasig Sports Complex.
Tatangkain ng DOJ na makasungkit ng panalo kontra sa legislators na pinangungunahan ni Ervic Vijandre upang buhayin ang tyansa na makaabante sa quarterfinal round ng torneo, habang inaasahan naman na ibubuhos ng Congress-LGU squad ang lakas nito upang maipagpatuloy ang kampanya sa susunod na phase ng liga.
Magsusukatan naman ng kakayahan sa game 2 ng sunday match ang MMDA at AFP na kapwa galing sa panalo.
Ang MMDA na isa sa pinakamainit na team sa kasalukuyang tournament ay pipiliting maitala ang 3 consecutive victories sa pamamagitan ng balanseng opensa, samantalang aasahan muli ng AFP ang ace gunner na si Winston Sergio para sa scoring ng cavaliers.
Segurado namang mayayanig ang Pasig Sports Complex sa banggaan ng dalawang nangungunang koponan sa 3rd game ng exciting na triple header.
Ang Judiciary na may 3-consecutive winning streak ay hahamunin ang pnp na may 3-0 unblemished record para sa top spot ng team standings.
Muling ipaparada ng Judiciary ang tallest player ng liga na si Don Camaso na nagpapakita ng impresibong laro at kasalukuyang nangunguna sa opensa at depensa ng koponan, samantalang sasandalan pa rin ng PNP ang unstoppable scoring force ni PO2 Ollan Omiping. (Ryan Ramos / UNTV News)