QUEZON CITY, Philippines — Tumanggap ng 3 parangal ang UNTV sa pamamagitan ng A Song of Praise o ASOP Music Festival at KNC Show sa ika-29 taon ng Star Awards for TV ng Philippine Movie Press Club o PMPC sa Kia Theater, Araneta Center, Cubao.
Nanalo bilang Best Talent Search Program ang kaisa-isang praise songwriting competition sa telebisyon, ang ASOP.
Tinanggap ng host ng ASOP na si Richard Reynoso ang parangal para sa programa.
Pahayag ni Reynoso, “Nung inisip po ito ni Kuya Daniel at Brother Eli ung pagpapa TV, paglalagay sa TV ng A Song of Praise Music Festival hindi naman po namin inisip ang recognition na ito. Ang habol lang po namin, is every week, makapagbigay po tayo, maipakita po natin ang galing ng Filipino, sa pamamagitan po ng paggagawa ng original Filipino praise music at lumawak pa po yan.”
Pinarangalan naman bilang Best Children Show ang Kids N Coddlers o KNC Show at Best Children Show Host ang mga host na sina Eric Cabobos, Bency Vallo, Moonlight Alarcon, Cid Capulong, Cedie Isip, Kim Enriquez, Tim Argallon, Angelica Tejana, Leanne Manalanzan at Kyla Manalang.
Ani Cid Capulong, “Super saya po, siyempre po, Salamat sa Dios, na di naman po namin makukuha ang award na ito kong di po dahil sa Kanya, pag di Niya po kami tinulungan.”
Sabi naman ni Cedie Isip, “Salamat po sa Dios at nakakuha po kami ng award, dito sa PMPC Award, pagbubutihan pa po namin ang pagtatrabaho po namin.”
Para naman kay Bency Vallo, “Salamat po sa Dios dahil binigyan po kami ng pagkakataon na mabigyan po kami ng award na kagaya po nito.”
Sambitla naman ni Eric Cabobos, “Salamat sa Dios nangyari ito. Gaya ng tinuturo sa atin ni Kuya Daniel, di naman mangyayari ang ganitong mga bagay kong di Niya ipinahintulot, kaya ipinagpapasalamat natin itong munting regalo na ibigay Niya sa atin.” (ADJES CARREON / UNTV News)
The post ASOP, KNC Show at hosts, pinarangalan sa 29th PMPC Star Awards for TV appeared first on UNTV News.