TARLAC, Philippines — Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team Tarlac ang isang lalake na naaksidente sa Barangay Tibag, Tarlac City pasado alas kwatro ng hapon nitong Linggo.
Agad binigyan ng pang-unang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang biktima na kinilalang si Omar Abellera Jr. 17 years-old at residente ng Nagceryalan West sa bayan ng Camilling na nagtamo ng multiple abrasion sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Matapos lapatan ng paunang lunas, dinala ng grupo sa Tarlac Provincial Hospital ang biktima.
Ayon kay Abellera, binabagtas niya ang kahabaan ng Romulo Boulevard ng may masagasaang bato na naging dahilan upang mawalan siya ng control sa manibela.
Samantala, pasado alas-sais naman ng gabi ay nirespondehan din ng UNTV News and Rescue team ang banggaan ng motor at bisikleta sa Barangay San Rafael, Tarlac.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis nag-counter flow ang motorsiklo kaya nabangga nito ang kasalubong na nagbibisikleta.
Wala namang tinamong pinsala ang sakay ng bisikleta na si Swayne Jansen Sio, 17 anyos na mabilis na nakatalon sa bisikleta bago binangga ng motorsiklo.
Matapos makuhanan ng vital signs at initial assessment, tumanggi ng magpahatid sa ospital ang driver ng motor na nagtamo lamang ng sugat sa kamay. (BRYAN LACANLALE / UNTV News)
The post Mga nasugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Tarlac, tinulungan ng UNTV News and Rescue appeared first on UNTV News.