MANDALUYONG CITY, Philippines — Karaniwan nang problema ng mga motorista at commuters tuwing sasapit ang holiday season ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila lalo na sa mga pangunahing kalsada.
Bukod sa dumadaming bilang ng mga sasakyan, isa pang nakikitang dahilan ng pagbigat ng daloy ng trapiko ay ang mga road obstruction.
Halimbawa nito ay ng mga sasakyang naka-park sa gilid ng kalsada, illegal vendors, mga hindi natapos na road repairs at maging basketball courts.
Kaya naman marami ang natuwa nang magsagawa ng clearing operations ang MMDA sa ilang kalsada sa Metro Manila.
At upang paigtingin pa ang kampanya laban sa mga traffic obstruction, naglunsad ang ahensya ng kampanyang tinawag nitong netizens’ watch kung saan maari nang i-report o isumbong ng netizens sa MMDA via social media ang mga makikita nilang mga sagabal sa daan.
Ani MMDA Chairman Emerson Carlos, “Kailangan po natin ngayon ng tulong ng mga ordinaryong mamayan sa komunidad. And pano sila makatutulong? It is by using social media… With these two modes (Twitter and Viber) maipapasa natin sa metrobase ang mga makikita nila sa daan.”
Kailangan lang kunan ng litrato ng mga motorista ang makikita nilang traffic obstruction at i-tweet ito sa MMDA na may hashtag #NetizensWatch.
Maari rin nila itong i-report sa Viber hotline ng ahensya na 09061476975.
Bukod sa litrato, kailangan rin ilagay sa report ang pangalan ng sender, eksaktong lokasyon, ang uri ng obstruction, at oras na nakita ito.
Matapos matanggap ang report agad itong ive-verify ng MMDA at ire-refer sa MMDA traffic discipline office na magpapadala naman ng tauhan sa naturang area upang alisan ang obstruction.
Kapag road diggings ito, uutusan ang mga contractor na i-patch ang kalsadang may hukay sa oras na mag-umpisa na ang moratorium on road constructions.
Matapos alisin ang mga sagabal sa traffic, kukunan naman ito ng litrato ng mga MMDA personnel at ipo-post sa social media para makita ng nag-report na sinulusyunan ang kanyang reklamo.
Maari ring isumbong ng netizens sa naturang MMDA hotlines ang mga traffic enforcer nito na nahuli nilang nanunuhol sa mga motorista.
Panawagan naman ng MMDA sa mga netizen,“Ang gobyerno po at MMDA gumagawa ng public service sa mamamayan. Sana suklian naman po nila ito ng responsibilidad, ng tamang paggamit ng social media at tamang pagkilala ng awtoridad at respeto sa ating traffic constables.”
Samantala, kasabay nito muli ring inilunsad ng MMDA ang bike sharing program na naunang inilunsad noong 2013 upang ma-enganyo ang commuters na gumamit na lang ng bisikleta upang makaiwas sila sa mabigat na daloy ng trapiko.
Nagdadagan ng 40 na mga bisikleta ang bike sharing program ng MMDA. Maaring itong gamitin ng mga commuter sa designated bike lanes ng MMDA kailangan lang may maipakitang ID bago ito magamit.
Ani Chairman Carlos, “Kung maigalaw po natin ang tao from their origin papunta sa kanilang destinasyon, ma-o-obtain po natin ang kanilang inaasam. Yun po ang hinahanap ng tao yung mobility ng mga tao at cargo… and the way to do it, does not necessarily mean via motorized vehicles only.” (DARLENE BASINGAN / UNTV News)
The post Mga road obstruction, maaari nang i-report sa MMDA appeared first on UNTV News.