MANILA, Philippines — Sa botong 2-1 kinatigan ng COMELEC 1st Division ang tatlong petisyon na humihiling na huwag payagang makatakbo si Senator Grace Poe sa pampanguluhang halalan sa susunod na taon.
Bumuto pabor sa petisyon sina Commissioner Rowena Guanzon at Luie Tito Guia habang pumabor naman kay Poe si Commissioner Christian Robert Lim.
Sa mga petisyong inihain nina dating Senador Kit Tatad, political science professor Antonio Contreras at dating college of law dean Amado Valdez sinabi ng mga ito na hindi natural born Filipino si Poe at hindi nito nasapatan ang 10-year residency requirement kaya hindi siya kwalipikadong tumakbong pangulo.
Batay sa 49-page decision ng 1st division sinabi nitong nakagawa ng material misrepresentation o nagsinungaling si Poe nang sabihin nitong natural-born Filipino siya at may 10 taon at 11 buwan na siyang naninirahan sa Pilipinas pagsapit ng May 9, 2016 elections.
Kung ipagpalagay naman na natural-born citizen si Poe, naputol ito nang maging American citizen siya.
Nang ma-reacquire naman nito ang kanyang Filipino citizenship, naibalik lamang nito ang pagiging Filipino citizen at hindi ang natural born status.
Batay din sa desisyon ng 1st division hindi pasok si Poe sa 10-year residency requirement.
Isa sa posibleng pagbatayan kung kailan nagsimula ang pagbilang ng residency ni Poe ay ang petsang July 18, 2006, ang araw na nare-acquire nito ang kaniyang Filipino citizenship sa pamamagitan ng Dual Citizenship Act.
Hindi rin tinanggap ng 1st division ang katwiran na honest mistake ang pagkakamaling nailagay ni Poe sa kaniyang COC noong 2012.
Sa kaniya namang dissenting opinion sinabi ni Commissioner Lim na walang material misrepresentation na nagawa ang senadora sa kaniyang residency at citizenship na nakapaloob sa certificate of candidacy nito.
Sa loob ng limang araw maghahain naman ng motion for reconsideration ang kampo ni Poe kaugnay sa desisyon ng 1st division upang matalakay ang usapin sa lebel na ng Comelec En Banc.
Pahayag ng abugado ni Sen. Poe na si Atty. George Erwin Garcia, “Ang naging desisyon po ay 2-1 ibig sabihin may isang pumabor sa amin at napakaganda po noon sapagkat at least mapagbabasehan po namin yun ng aming lakas para makapunta sa Comelec En Banc at later on sakali sa Korte Suprema.”
Pahayag naman ni Sen. Grace Poe, “Hindi po ako nababahala o natatakot sa kanila sapagkat para sa akin nga po mas malaking hamon ang tumakbo kaysa sa hindi man lang sumubok kung saka sakali. Kaya kung anong magiging desisyong pinal nito pagkatapos ng proseso tatangapin ko pong buong buo.”
Ikinatuwa naman ng kampo ng petitioner ang desisyon.
Ayon kay Atty. Manuelito Luna, ang abugado ni dating Senador Kit Tatad, nanaig ang rule of law at dapat pag-isipan na ni Poe ang umatras sa presidential race.
Saad sa text ni Atty. Luna, “As expected, our superior arguments and correct reading of the Const., laws, procedures and jurisprudence prevailed. This is victory for the rule of law and the Filipino nation. It’s time for Poe to consider backing out from the race.”
Una nang idiniskwalipika ng second division ng Comelec si Poe.
Pag-uusapan naman ng Comelec En Banc sa Lunes ang MR ng kampo ni Poe kaugnay ng desisyon ng second division.
Pahayag ni COMELEC Chairman Andres Bautista, “According to our rules, meron silang limang araw para maghain ng MR (motion for reconsideration), pagkatapos nyan ay pag-uusapan ng comelec en banc kung ano ang gagawin. Alam natin natin na meron nang hinain na motion for reconsideration doon sa naging desisyon ng second division at in fact nag-raffle na kami dyan, pinag-usapan na namin yan nung Miyekules at pag-uusapan naming muli yan sa Lunes.” (VICTOR COSARE / UNTV News)
The post COMELEC 1st Division, bomoto ng 2-1 pabor sa disqualification case laban kay Sen. Grace Poe appeared first on UNTV News.