Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

2 tauhan ng OTS, 4 pulis ng AVSEGROUP, sinampahan na ng reklamo kaugnay ng ‘tanim bala’

$
0
0
Payo ni DOJ Spokesperson Emmanuel Caparas sa mga pasahero sa paliparan, bantayang mabuti ang kani-kanilang bagahe sa pagpasok ng airport upang maiwasan ang insidente ng 'tanim bala'. FILE PHOTO. Kenji Hasegawa / Photoville International

Payo ni DOJ Spokesperson Emmanuel Caparas sa mga pasahero sa paliparan, bantayang mabuti ang kani-kanilang bagahe sa pagpasok ng airport upang maiwasan ang insidente ng ‘tanim bala’. FILE PHOTO. Kenji Hasegawa / Photoville International

MANILA, Philippines — Anim na mga tauhan ng OTS at PNP-Aviation Security Group (AVSEGROUP) ang nahaharap sa mga kasong kriminal dahil sa pagkakasangkot sa ‘tanim-bala’ scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinampahan ng NBI ng paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunitions Law sina Maria Elma Cena at Marvin Garcia na parehong tauhan ng OTS dahil sa pagtatanim ng ebidensya sa kanilang biktima.

Robbery/extortion, paglabag sa Republic Act No. 7438 at kasong katiwalian naman ang isinampa ng National Bureau Investigation (NBI) sa mga tauhan ng PNP-AVSEGROUP na sina PCINSP. Adriano Junio, SPO4 Ramon Bernardo, SPO2 Rolando Clarin, at SPO2 Romy Navarro.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng Amerikanong si Lane Micheal White na nahulihan ng bala sa kanyang bagahe sa NAIA noong Setyembre.

Tinangka umanong kikilan ng P50,000 ng mga respondent si White at nang hindi ito pumayag, ay saka ito sinampahan ng kaso.

Isa lamang ang kaso ni White sa nakumpirma ng NBI na insidente ng ‘tanim-bala’ sa NAIA.

Sa kanilang report sa imbestigasyon ng ‘tanim-bala’ scam na isinumite sa Department of Juistice (DOJ), kinumpirma ng NBI ang iba pang kaparehong insidente ngunit hindi na muna ito isinapubliko dahil hindi pa naisasampa ang kaso.

Bagama’t kumpirmado ang modus ng ‘tanim-bala’, wala umanong sapat na basehan upang sabihing may sindikatong nasa likod nito.

Hindi pa tiyak sa report ng NBI kung saan at paano natataniman ng bala ang mga bagahe.

Ngunit posible umanong nangyari ito bago pa lamang pumasok sa terminal, o kaya ay habang nasa loob na mismo ng airport.

Pahayag ni DOJ Spokesperson Usec. Emmanuel Caparas, “When can an incident of ‘tanim-bala’ take place? Before you enter, that can happen, right before you put your bag on the conveyor belt, after your bag has gone to the conveyor belt, if you allow somebody to touch that. And then when you’re loitering in the airport, this is already pertaining to your carry-on luggage, you’re walking around the airport, you sit down in a restaurant, umupo tayo dun sa lounge. Medyo minsan yung iba, inaantok, nakakatulog napabayaan yung bag or for example, kailangan pumunta sa banyo, walang ibang kasama, mabigat yung bag, iniwan dun sa upuan, yung mga bagay ba na ganun.”

Payo na lamang ng DOJ sa mga pasahero, laging bantayan ang kanilang mga bagahe saan man sa airport sila magtutungo.

Ani Usec. Caparas, “Just to be on the safe side, do not allow anyone else to touch your baggage.”

Hindi pa dito nagtatapos ang imbestigasyon sa isyu ng ‘tanim-bala’ sa NAIA.

May rekomendasyon ang NBI na lawakan pa ang imbestigasyon ngunit wala pang pormal na direktiba ang DOJ upang gawin ito.(RODERIC MENDOZA / UNTV News)

The post 2 tauhan ng OTS, 4 pulis ng AVSEGROUP, sinampahan na ng reklamo kaugnay ng ‘tanim bala’ appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481