QUEZON CITY, Philippines — Hindi kinakitaan ng sapat na basehan o probable cause ng Sandiganbayan ang kasong isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay Taguig Mayor Laarni “Lani” Cayetano at City Administrator Jose Montales.
Ayon sa resolusyon ng Sandiganbayan, dismissed na ang kaso kaungay ng umano’y paglabag ni Cayetano sa Article 143 ng Revised Penal Code.
Kaugnay ito ng umano’y pagpigil ni Cayetano sa Sangguniang Panglungsod na magsagawa ng regular session o pulong noong 2010.
Ayon sa mga complainant, ikinandado ni Mayor Cayetano ang session hall kaya’t napilitan silang isagawa ang meeting sa staircase at ibang venue sa labas ng city hall.
Ito aniya ay isang uri ng panggigipit sa sanggunian dahil pinipigilan nito na maisagawa ng grupo ang kanilang trabaho sa lungsod.
Kumbinsido naman ang Sandiganbayan sa paliwanag ni Cayetano na nagpasintabi naman ito sa Sanggunian tungkol sa mga gagawing reorganization at reengineering sa Taguig City Hall.
Nakalakip sa resolusyon ng Ombudsman ang liham ng city administrator na si Jose Miguel Montales tatlong araw bago ang pulong ng sanggunian na pansamantalang isasara ang session hall para sa reengineering at reconstruction.
Sinabi rin nila Montales na may isa pang liham na inihanda ang city auditorium upang magamit muna sanggunian pansamantala.
Mayroon ding directional signs at announcement tungkol sa mga gagawing pagbabago na ipapatupad sa loob ng city hall.
Ayon sa Sandiganbayan, patunay ito na walang nilabag na batas si Cayetano bilang mayor ng lungsod at tanging ang mga miyembro ng sanggunian ang tumangging sumunod sa iba pang options na ibinibigay sa kanila.
Dahil dismissed na ang kaso, hindi na naglabas ng warrant of arrest at hold departure order ang Sandiganbayan laban kina Cayetano at Montales. (JOYCE BALANCIO / UNTV News)
The post Kasong felony laban kay Taguig Mayor Lani Cayetano, dinismiss ng Sandiganbayan appeared first on UNTV News.