MANILA, Philippines — Inaprubahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang batas na nagbabawal sa mga public at private colleges at universities na mamilit sa mga estudyanteng kukuha ng professional licensure examinations na mag-enroll sa mga review center.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10609 (Protection of Students Right to Enroll in Review Centers Act of 2013), bawal nang i-require ang mga estudyante na kumuha ng review class sa mga review center na pinili ng eskwelahan.
Bawal na ring gawing pre-requisite o isang requirement ang review class bago maka-graduate ang isang estudyante.
Labag rin sa batas na pwersahin ng mga eskwelahan ang mga estudyante na mag-enroll sa mga review center na pinili mismo ng eskwelahan at pagbayarin sa ibat-ibang gastusin.
Bawal na ring i-hold ng mga eskwelahan ang transcript of scholastic records, diploma o anumang dokumento ng isang estudyante upang mapilitan lamang itong mag-enroll sa isang review center.
Ang sinumang opisyal o empleyado ng isang eskwelahan na mapatutunayang lalabag sa bagong batas ay posibleng makulong ng hanggang anim na taon, magmumulta ng mahigit 700-libong piso, at suspensyon sa trabaho o pagpapawalang bisa sa kanyang professional license. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)