CALOOCAN, Philippines — Labis na humanga ang mga huradong sina hitmaker Jungee Marcelo, record executive at OPM icon Pat Castillo at Doktor Musiko Mon del Rosario sa baguhang kompositor na si Amador Pesimo Jr. dahil hindi ito nagpahadlang sa kanyang kapansanan upang sumali sa A Song of Praise o ASOP Music Festival ng UNTV.
Nakita ng mga naturang hurado ang ganda ng kanyang komposisyon na “Awit ng mga Banal” kaya’t pinili nila itong maging “song of the week” ngayong linggo.
Pahayag ng PWD na composer na si Amador Pesimo Jr., “Wag silang mahihiya dahil kung meron talaga silang talent na maipapakita o magagawa, gawin nila ‘yun.
Panghihikayat pa nito, “Wag magpapahadlang sa mga kung anoman ‘yung mga balakid sa buhay like katulad ng kapansanan o kung anoman. Magpatuloy lang sila. Sumali lang sila.”
Maging ang interpreter nitong si The Voice Season 1 contender Hans Dimayuga ay hanga sa naturang praise song sa una pa lamang nyang pagkadinig dito.
“It’s simple. Catchy po siya. I think posible po itong maging anthem for a lot of people kasi maganda po ang message. Maganda po ang melody,” ani Hans.
Tinalo ng naturang awit sa ikatlong linggo ng eliminasyon sa buwan ng Disyembre ang mga awiting “Aking Kanlungan” ni Armel de Guzman na inawit ni Aia de Leon at “Tuluy-tuloy ang Pagpupuri” ni Alexander Tolentino na inawit naman ni A.R. Escalante. (ADJES CARREON / UNTV News)
The post Komposisyon ng isang may kapansanan, tinanghal ng “song of the week” sa ASOP Year 5 appeared first on UNTV News.