MANILA, Philippines – Naging buwena manong weekly winner ang awiting “Hangga’t May Tinig Ako” sa pagsisimula ng ikatlong taon ng A Song of Praise o ASOP Music Festival, Linggo ng gabi.
Ayon sa kompositor ng naturang awit na si Jinnie Adilan, bagama’t kinakabahan ay masaya ito na mapili ng mga batikang hurado ang kaniyang likhang awit.
“Kabadong kabado po simula po nung tinawagan ako hanggang ngayon… Nagpapasalamat po ako sa mga nag-areglo ng kanta at sa composer natin at talagang nabigyan ng buhay ‘yung (ano) higit pa sa ine-expect ko.”
Pagmamalaki naman ng interpreter na si Myrus, ito ang awit na aniya’y nababagay sa kanyang estilo.
“Parang nakikita ko ‘yung sarilil ko sa song… alam ko na may laban din ‘yung song niya unang narinig ko pa lang,” pahayag ng Pusong Lito singer.
Tinalo ng “Hangga’t May Tinig Ako” ang mga awiting “Pusong Ligaw, Pusong Uhaw” ni Alfredo Nadal na inawit ni Jay Perillo, at “Pinaka” ni Ferdinand Revano sa rendisyon naman ni Walton Zerrudo.
Kabilang sa mga umupong hurado sa naturang episode ang mga mang-aawit na sina Tina Paner at Moy Ortiz ng The Company, kasama ng house judge na si Mon Del Rosario. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)