MANILA, Philippines — Sinimulan nang talakayin sa senado ang panukalang ipagpaliban ang Sangguniang Kabataan (SK) Elections ngayong Oktubre 28, 2013.
Sinabi ni Senate Committee on Local Government Chairman Senador Bong Bong Marcos na sisikaping mapagpasyahan ng mga mambabatas sa lalong medaling panahon kung itutuloy ba o hindi ang SK elections sa susunod na buwan.
“Nagmamadali kami ng kaunti para maging malinawag sa COMELEC kung maghahanda pa sila ng SK elections o hindi .Sana before September, I’m hoping between sa House and dito sa Senado ay matapos na.”
Ayon pa sa senador, reporma at pagpapatatag sa Sangguniang Kabataan ang nais ng iba’t ibang stakeholders at hindi ang tuluyang pagbuwag dito.
Target naman ng komite na tapusin ang panukalang reporma sa loob ng isang taon upang makapagdaos na ng halalan sa susunod na taon.
“Hindi natin mamadaliin ito, dahil malaking bahagi ng ating lipunan eh mga kabataan.”
Samantala, bagama’t pabor ang COMELEC sa pagpapaliban ng halalan sa SK, tiniyak ni Chairman Sixto Brillantes Jr. na handa sila sa eleksyon sa Oktubre.
Ayon kay Brillantes kinakailangang maisabatas agad ang SK postponement hanggang sa unang linggo ng Oktubre bago ilabas ang 60-milyong piso na ibabayad sa mga guro na tatayong SK Board of Election Tellers o BET.
“Postponement lang, tingnan natin kung pwedeng tumakbo ang barangay without the SK…”
Dagdag pa ni Brillantes, “bahala na sila kung saan maipo-proposed ang postponement basta wag lang isabay sa barangay, but our preparations is tuloy pareho sa SK and Barangay.” (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)