MANILA, Philippines — Walang nakikitang problema ang Malakanyang sa comment ng Office of the Solicitor General (OSG) sa kasong isinampa ni Rizalito David laban kay Senator Grace Poe kaugnay ng disqualification case nito sa Senate Electoral Tribunal (SET).
Sa naging argumento ng OSG sa pangunguna ni SolGen Florin Hilbay, walang grave abuse of discretion ang SET nang maglabas ng ruling na pabor kay Senator Poe at idineklarang siya ay natural-born Filipino.
Ayon pa sa OSG, tama ang naging ruling ng SET na ang paggamit ni Poe sa kaniyang US passport nang umalis at bumalik ng Pilipinas mula November 01, 2006 hanggang March 27, 2010 ay hindi maikokonsidera na pagbawi niya sa kaniyang pagtalikod sa US citizenship.
Hindi naman kinontra ng Malakanyang ang posisyon ng OSG.
Ani Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr. ng Presidential Communication Operations Office (PCOO), “Ang pahayag ng Tanggapan ng Taga-usig Panlahat, Office of the Solicitor General, ay bahagi ng pagtupad nito sa tungkulin bilang tagapagtanggol ng posisyon ng pamahalaan sa kasong ito ng Senate Electoral Tribunal.”
Samantala, umaasa pa rin ang Malakanyang na magiging mapayapa ang pagdaraos ng halalan sa Mayo sa kabila ng pahayag ng ilang eksperto sa posibilidad na no-election scenario dahil sa mga naka-pending na mga disqualification case ng ilang personalidad na tatakbo bilang pangulo tulad ni Senator Poe.
“Gagawin naman ng pamahalaan ang nararapat para mapanatili ang kaayusan, umaasa din tayo na ang mga supporters ng mga kandidato ay magiging mahinahon at gagamit ng katuwiran sa lahat ng pagkakataon,” pahayag ni PCOO Sec. Coloma. (NEL MARIBOJOC / UNTV News)
The post Pagpanig ng SolGen sa SET kaugnay ng disqualification case in Poe, hindi kinontra ng Malakanyang appeared first on UNTV News.