DAVAO, Philippines — Bumisita ngayong araw ng Lunes dito Lungsod ng Davao si Senator Francis ‘Chiz’ Escudero. Kasabay nito, sinagot ng senador ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng kanyang running mate na si Sen. Grace Poe; ang pagfa-file ni COMELEC Comissioner Rowena Guanzon ng unauthorized comment sa Korte Suprema tungkol sa diskwalipikasyon ni Poe at ang panawagan ng senadorang tanggalin sa pwesto si DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya.
Ani Sen. Escudero, “Ibabalik ko ang tanong kay Commissioner Guanzon, sino ang inaabogado nya? Who is she lawyering for? Maliwanag hindi siya awtorisado ng COMELEC para mag-comment, maliwanag hindi galing sa en banc ang kanyang authority mag comment.”
Napabalitang sinabi umano ni Commissioner Guanzon na hindi sya tauhan ni Chairman Bautista kung kaya’t wala syang obligasyon magpaliwanag dito ngunit hindi sang-ayon dito ang running mate ni Sen. Grace Poe na si Sen. Chiz Escudero.
“Oo nga’t hindi sya under kay Chairman Bautista, tulad ko, hindi naman ako under kay Chairman Drilon pero tulad nya at tulad ko, myembro kami ng isang collegial body kung saan hindi namin pwedeng i-represent ang institusyon na kinabibilangan namin nang walang authority,” dagdag pa ni Escudero.
Samantala suportado naman ni Sen. Escudero ang panawagan ni Sen. Poe na alisin sa tungkulin si DOTC Sec. Abaya.
“Trapik ang pier, trapik ang airport, may laglag-bala pa, riles ng tren parating palpak at parating tumititigil, sa kalye naman walang sticker at plaka yung mga may-ari ng sasakyan. Tila walang tinamaan kahit na isa doon si Sec. Abaya,” ani Sen. Chiz.
Sa pahayag naman ni Pangulong Aquino na may bahid ng pulitika ang pagpapaalis kay Secretary Abaya, ito ang naging pahayag ni Escudero.
“Politics is the art of convincing people, bakit hindi nila makumbinsi ang tao na maganda ang trabahong ginagawa ni Sec. Abaya? Kung meron naman talaga, walang rason para hilingin ang kanyang pagbibitiw.”
Binigyang diin ni Escudero na ang pagpapaalis kay Abaya sa tungkulin ay dapat na labas sa pagiging magkaibigan o sa pagiging magkapartido. (JOIE DOMINGO / UNTV News)
The post Sen. Escudero, nagbigay ng pahayag ukol sa umano’y kontrobersiya sa COMELEC sa kanyang pagbisita sa Davao City appeared first on UNTV News.