DAVAO CITY, Philippines — Hinihintay pa ng mga doktor sa Camp Panacan Service Hospital na sumusuri sa pitong sundalong nasugatan sa pagsabog ng landmine sa Compostela Valley ang resulta ng eksaminasyon sa swab at shrapnel samples.
Sa isinagawang press conference kanina ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sinabi ni Major Gen. Ariel Bernardo ng 10th Infantry Division na kinakitaan ng dalawang uri ng bacteria ang mga nasugatang sundalo.
“The lethal weapon na IED add more mas naging fatal siya with that added na component na masyadong debilitating yung effect talaga masasabi natin kumbaga we are talking about a biological na war fare na biological weapon of mass destruction,” anang opisyal.
Ayon sa mga doktor ng EastMinCom, ito na ang ikalawang insidenteng kanilang naitala kung saan nakitaan ng sintomas ng bacterial infection ang mga biktima ng landmine na pinaniniwalaang kagagawan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Ang unang naging biktima nito ay nasawi noong Agosto.
“True enough natapos malinis yung result nung culture nung mga shrapnel ng wound yun nga yung dalawang bacteria enterobacter cloacae streptococcus agalacteiae. Itong mga bacteria na ito common siya nakikita sa intestines ng mga tao or possible din sa hayop,” pahayag ni Dr. Victor Dato, Orthopedic Surgeon ng CPSH.
Sa ngayon ay inilipat na sa pribadong ospital ang pitong sundalo upang mas mabantayan ang kanilang mga kalusugan.
Samantala, mariing kinondena ng Philippine Army ang naturang pangyayari dahil tahasan umano itong paglabag sa Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law.
Itinanggi naman ng New People’s Army ang akusasyon ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.
Sa mensaheng ipinadala ng pamunuan ng NPA sa UNTV, hindi aniya totoo ang bintang ng pamahalaan at iginiit na tanging mga armas lamang na naagaw nila mula sa government forces at mga command detonated bomb ang kanilang ginagamit.
Sa ulat ng militar mula noong 2010 hanggang sa kasalukuyan ay umabot na sa 378 land mining incident ang naitala kung saan 101 na mga sundalo ang nasawi, habang 27 naman sa sibilyan. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)