MANILA, Philippines – Sa susunod na linggo ay pinaplano ng isang commuter group ang pagsasampa ng kaso upang pigilin ang operasyon ng Southwest Interim Provincial Terminal sa Parañaque City.
Ayon kay Elvira Medina, presidente ng National Council for Commuters Protection (NCCP), makukumpleto na ang mga impormasyon at ebidensya na magpapalakas sa isasampa nilang kaso.
“Almost complete na kami sa kinakailangan naming dokumento and within this weekend or after the weekend magkakaroon na kami ng final decision kung anu yung legal option na pwede namin gamitin.”
Dagdag ni Medina, malaking pahirap hindi lamang sa mga commuter ang naturang terminal kundi maging sa mga bus driver at mga operator.
“Kalbaryo na ang nangyayari, it’s a problem that everybody doesn’t know where to go and what to do,” ani Medina.
Dalawang linggo na ang nakakaraan nang magsagawa ng tigil-pasada ang mga bus driver sa southwest provincial bus terminal na libo-libong pasahero ang naapektuhan.
Ayon kay Elvira Medina, hindi ito mangyayari kung pinag-aralan lamang ng mabuti ang sistemang ipinatutupad sa terminal.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang NCCP sa Coalition of Filipino Consumers (CFC) upang lalo pang lumakas ang kanilang pwersa.
Ayon sa commuter group, makikiisa din sila sa 1 million signature campaign at maging sa paghahain ng petisyon kay Pangulong Aquino.
Giit ng grupo, hindi pasilidad ang kailangang baguhin kundi ang sistema ng terminal.
“We are doing it to the best of our ability because we will never allow our commuters na madehado, we want to safeguard the security and protection of our fellow commuters,” pahayag pa ni Medina. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)