ANO ANG LAMAN NG SSS ADDITIONAL PENSION BENEFITS BILL?
Dagdag na P2,000 sa natatanggap na buwanang pensiyon ng SSS pensioners–ang mga senior citizen at kanilang mga dependent.
MAGKANO ANG KAKAILANGANING PONDO PARA SA DAGDAG NA ITO?
P56 bilyon, na lalaki pa nang lalaki taon-taon dahil parami nang parami ang mga pensiyonado ng SSS.
Tinatayang 2.15 milyon ang pensiyonadong bibigyan kung sakali ng dagdag na benepisyo. Itong 2.15 milyon ay 6.5% kumpara sa 33 milyong aktibong miyembro ng SSS.
Kalkulasyon:
P2,000 x 13 buwan x 2.15 milyon = P56 bilyon taon-taon
ANO ANG EPEKTO NITO SA OPERASYON NG SSS?
Mauubusan ng pantustos at magsasara ang SSS sa loob ng 11 taon dahil sa laki ng kailangang pondo para sa dagdag na pensiyon.
Kumikita ang SSS mula sa buwanang hulog ng mga miyembro pati na sa kita mula sa mga investments nito. Sa kada P1 hulog, P6-P15 ang babalik sa miyembro kapag nagretiro. Kung kaya, mahalagang patuloy na palaguin ng SSS ang pondo nito, hindi bawasan.
ANO-ANO ANG MAAARING HAKBANG PARA PIGILAN ANG PAGKALUGI NG SSS?
Taasan ng 4.8% kada taon ang kontribusyon ng bawat aktibong miyembro. Aabot ng 44% ang itataas ng kabuuang kontribusyon ng SSS active members.
Babawasan ng pambansang pamahalaan ang pondo ng ibang mga programa at proyekto o kaya’y magdagdag ng buwis para ilipat sa SSS.
Ipagbibili ng SSS ang assets o ari-arian nito, kaya hindi lubusang mapalalago ang pondo ng SSS at tuluyang mababawasan ang serbisyo’t benepisyo
BAKIT NA-VETO O IPINAWALANG-BISA NG PANGULO ANG SSS ADDITIONAL PENSION BENEFITS BILL?
Nakatutok tayo hindi sa pagpapapogi, kundi sa kinabukasan ng pamilyang Pilipino. Sa laki ng kailangang pondo–na P56 bilyon na sa unang taon pa lang–mapipilitang kaltasan ang pondo o tuluyan nang ipatigil ang maraming mga programa at proyekto ng pamahalaan upang dito kunin ang P56 bilyong kakulangan.
Kailangan din nating isipin ang pangmatagalang epekto ng panukalang ito.
Iniisip natin ang kapakanan ng nakakarami at ang sitwasyon sa kabuuan. 2.15 milyon ang pensioners na makikinabang sa dagdag na pensiyon. Ang kapalit nito, malulugi ang SSS sa laki ng ilalabas na pondo. At sa loob ng 11 taon, kung hindi naman kukuhaan ng pondo ang ibang programa, tuluyang magsasara ang SSS at di na mapapakinabangan ng 33 milyong active members.
Kailangan din nating isipin ang kapakanan ng natitirang 33 milyong SSS members at ang sitwasyon sa kabuuan nito.
The post Q&A: Dahilan sa pag-veto ng P2,000 buwanang dagdag sa SSS pension appeared first on UNTV News.