MANILA, Philippines — Pasok sa inisyal na listahan ng mga kandidato sa pagka-pangulo sina Vice President Jejomar Binay, Senator Miriam Defensor Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Senator Grace Poe, Mar roxas, isang Mel Mendoza na pambato ng Pwersa ng Masang Pilipino o PMP at si Dante Valencia na tumatakbong indipendiente.
Pasok naman sa initial list ng vice presidential candidates sina Senator Alan Peter Cayetano, Senator Chiz Escudero, Senator Gringo Honasan, Senator Bongbong Marcos, Congresswoman Leni Robredo at Senator Antonio Trillanes IV.
Limampu’t dalawang pangalan naman ang napabilang sa initial list ng senatorial candidates.
Isang daan at dalawampung partylist groups naman ang kasama sa inisyal na listahan.
Bukod sa mga kandidato para sa national positions makikita rin sa website ng Commission on Elections ang inisyal na listahan ng mga kandidato para sa local positions.
Paglilinaw ng poll body, maari pang mabago ang listahan depende sa kalalabasan ng mga nakabinbin pang petisyon laban sa mga kandidato.
Pahayag ni COMELEC Commissioner Christian Robert Lim, “We have a scheduled en banc on Tuesday that is for the finalization. Not only the eight but also senatorials, partylist lahat lahat yun.”
Sa ngayon, hindi pa tapos ang pagtalakay ng Korte Suprema sa apela ni Senator Poe sa pagdiskwalipika sa kaniya ng COMELEC habang nakatakdang pang desisyunan ng COMELEC 1st Division ang mga petisyon laban sa kandidatura ni Duterte.
Inilabas lamang ang listahan upang ma-check ng mga kandidato kung tama ang spelling ng kanilang pangalan kapag inilagay na sa official ballot.
Anumang correction ay dapat ipagbigay alam sa COMELEC hanggang ngayong araw at aaprubahan ng law department ng komisyon.
Itinakda naman ng COMELEC ang simula ng pag-imprenta sa balota sa February 1.
Ngunit para kay Senate President Franklin Drilon dapat hintayin muna ang pinal na desisyon ng Supreme Court sa mga nakahaing disqualification cases bago mag imprenta ng balota ang COMELEC.
Para naman sa isang dating pinuno ng poll body hindi na kailangang hintayin ng komisyon ang Korte Suprema.
“You don’t want to miss out on the timeliness of the distribution of those ballots. I don’t think you should sacrifice that when there are other solutions.”
Para kay Atty. Christian Monsod sakaling magdesisyon ang korte laban sa isang kandidato ngunit nasa balota na ang kaniyang pangalan maari namang ayusin ng COMELEC ang software ng makina upang huwag nang bilangin ang botong makukuha ng naturang kandidato.
Ayon naman sa COMELEC, hindi kakayanin kung pagbibigyan ang hiling ni Drilon.
Tugon ni Commissioner Lim, “Next year na ang eleksyon.” (VICTOR COSARE / UNTV News)
The post Inisyal na listahan ng mga kandidato sa national positions, inilabas ng COMELEC appeared first on UNTV News.