Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Dalawa sa Gallant SAF44, binigyan ng Medal of Valor kaugnay ng Mamasapano operations

$
0
0
Si Pangulong Benigno S. Aquino III sa pagbibigay ng kanyang pananalita sa Camp Crame sa paggunita ng unang taon ng Mamasapano Massacre, Lunes(Enero 25). Iginawad ng Pangulong Aquino ang Medalya ng Kabayanihan sa kaanak ng 42 SAF troopers at ang Medalya ng Kagitingan para sa dalawang  miyembro ng SAF44 na sina P/CInsp. Gednat Tabdi at PO2 Romeo Cempro. (Photo by Gil Nartea / Malacanang Photo Bureau)

Si Pangulong Benigno S. Aquino III sa pagbibigay ng kanyang pananalita sa Camp Crame sa paggunita ng unang taon ng Mamasapano Massacre, Lunes(Enero 25). Iginawad ng Pangulong Aquino ang Medalya ng Kabayanihan sa kaanak ng 42 SAF troopers at ang Medalya ng Kagitingan para sa dalawang miyembro ng SAF44 na sina P/CInsp. Gednat Tabdi at PO2 Romeo Cempro. (Photo by Gil Nartea / Malacanang Photo Bureau)

QUEZON CITY, Philippines — Ginawaran na nang parangal ang mga miyembro ng SAF 44 na nasawi sa Oplan Exodus sa Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao, eksakto sa unang taon ng mangyari ang insidente.

Pinangunahan ang pagbibigay ng parangal ni Pangulong Benigno Aquino III.

Dalawa sa SAF44 ang binigyan ng pinakamataas na parangal o Medal of Valor, sina P/CInsp. Gednat Tabdi at PO2 Romeo Cempron na tinanggap ng kanilang mga asawa.

Si Tabdi ang team leader ng Team 1 Main Effort 1, 84th Special Action Company o assault team na pumutol sa daliri ni Marwan.

Si PO2 Cempron naman ang lead gunner sa main effort 2, 55th Special Action Company 1 o blocking force.

Siya ang nagbigay seguridad sa arresting team nina Marwan at Usman at tumulong upang makatakas ang kasamahan at lone survivor na si PO2 Christoper Lalan.

Ayon kay PNP Chief PDG Ricardo Marquez, dumaan sa masusing proseso ang pagpili sa gagawaran ng Medalya ng Kagitingan.

“Napaka-strict na requirement for the Medal of Valor to be awarded para di magkaroon ng pagkakataon na ma-violate ang proseso na yun.”

Habang 42 sa mga ito ang binigyan ng ikalawa sa pinakamataas na parangal o Medalya ng Kabayanihan, pinarangalan rin ang limang survivor.

Sinabi ni Gen. Marquez, walang katulad ang ipinakitang katapangan ng mga ito para sa kaligtasan ng mas nakararami.

Hindi naman nakadalo sa pagbibigay parangal ang pamilya ng lima sa sa SAF44 kinabibilangan nina INSP. Rennie Tyrus, SPO1 Lover Inocencio at PO2 Nickey Nacino habang nagpa-proxy naman sa kaklase ang pamilya nina PO1 Mark Clemencio at CINSP. Max Jim Tria at PO2 Franklin Danao.

Umaasa ang pamunuan ng PNP na matatapos na ang intriga at samu’t-saring usapin ngayong naibigay na ang nararapat na parangal sa SAF44.

Kabilang sa benepisyong matatanggap ng pamilya na may Medal of Valor ay:

1. P20,000 monthly allowance

2. Exemption sa entrance exam sa PMA at PNPA kung nais na magsundalo o pulis ang anak

3. Maaaring makapagtrabaho sa gobyerno

4. Mabilis na approval sa housing loan

5. Libreng medical, dental at consultation sa private at public hospital sa buong bansa.

Nitong Lunes ng umaga, naunang inalayan ng bulaklak at binigyan ng 21 gun salute sa pangunguna ni DILG Sec. Mel Senen Sarmiento at PNP Chief PDG Ricardo Marquez sa Bantayog ng mga Bayaning Tagapamayapa ang mga pulis na nagbuwis ng buhay kabilang na ang SAF44.

“Hindi lang sa nangyari noong nakaraang taon, kundi maging for the past 25 years to honor our police officers who offered ang kanilang buhay para makapagbigay ng serbisyo sa ating mamamayan at maprotektahan ang ating mamamayan,” pahayag ng kalihim ng DILG. (LEA YLAGAN / UNTV News)

The post Dalawa sa Gallant SAF44, binigyan ng Medal of Valor kaugnay ng Mamasapano operations appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481