TARLAC, Philippines — Mahigit isandaang armored personnel carrier ang itinurn-over ng Sandataang Lakas ng bansa sa Mechanized Infantry Division ng Philippine Army sa Camp O’Donnell sa Capas.
Ito ay bilang bahagi ng modernization program ng Armed Forces of the Philippines.
Pinangunahan ang turnover ceremony ni Defense Secretary Voltaire Gazmin at AFP Chief of Staff General Hernando Iribberi.
Ang 114 units ng M113A2 APCs ay ibinigay ng Estados Unidos sa Pilipinas bilang bahagi ng Excess Defense Article program nito o EDA.
Malaking tulong ang mga tangke dahil magagamit ito sa pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad at maging sa territorial defense operations ng AFP.
“The number of vehicle we received through EDA is composed 25% of the total inventory that we have,” ani Commander BGen. Edgar Gonzales ng Mechanized Infantry Division ng Philippine Army.
Bukod sa 50-caliber machine gun, maaaring ire-configure o isaayos ang mga tangke at lagyan ng mas malalakas na armas.
Maaari din itong lagyan ng anti-missile at anti-tank cannons, at gawing computerized o kontrolado ng computer ang weapon system ng tangke.
Ide-deploy ang mga armored personnel carrier sa iba’t-ibang bahagi ng bansa lalo na sa mga lugar kung saan malaki ang banta sa seguridad.
“Doon sa mga areas na kailangan, kagaya ng mga areas na magugulo, kagaya ng mga areas na terrain na aplicable yung mga tangke,” ani DND Sec. Gazmin.
Sabi naman ni BGen. Edgar Gonzales, “Mas magagamit ito lalo na sa Mindanao kasi iba ang labanan doon, semi-conventional. Ngayon, with this vehicle, tatlo itong pinaka-importanteng feature nito: mobility, survivability ng mga tao natin at saka lethality, yung weapon system.”
Bagama’t wala pang mga armas ang mga tangke, maaari na itong i-deploy sa mga susunod na buwan upang magamit ng mga sundalo bilang behikulo at force protection. (BRYAN LACANLALE / UNTV News)
The post 114 armored personnel carriers, pormal nang ipinagkaloob sa Mechanized Infantry Division ng Philippine Army appeared first on UNTV News.