QUEZON CITY, Philippines — Pinagtibay ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kay dismissed Makati Mayor Junjun Binay, Vice President Jejomar Binay at dalawampu’t dalawang iba pa hinggil sa umano’y 2.2 billion pesos na maanomalyang Makati Carpark Building project.
Ito’y matapos hindi pagbigyan ng Ombudsman ang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Binay hinggil nauna nang rekomendasyon ng Ombudsman na kasuhan siya.
Una nang ipinag-utos ng Ombudsman noong Oktubre 2015 ang pagsasampa ng kaso laban sa mga Binay ngunit naghain ang kampo ng dating mayor at vice president ng motion for reconsideration.
Iginiit ng Ombudsman na binigyan nito ng due process ang mga Binay at iba pang respondents at mayroong probable cause sa pagsasampa ng kaso laban sa kanila.
Paliwanag pa ng Ombudsman, ipinapakita ng mga ebidensya na minanipula nila ang kontrata sa carpark project at wala rin aniyang bidding na isinagawa para dito.
Sasampahan na Ombudsman ano mang araw ng si Junjun Binay at 22 pang respondents habang si vice president naman aniya ay kakasuhan sa oras na matapos ang termino nito dahil sa ngayon may immunity from suit pa ito.
Kabilang sa mga isasampang kaso sa Sandiganbayan ay grave misconduct; serious dishonesty; at conduct prejudicial to the best interest of the service; at falsification of public documents.
Bukod sa criminal complaint, muli ring pinagtibay ng Ombudsman ang dismissal from service at perpetual disqualification from public service kay Junjun Binay.
Hindi naman ikinagulat na ng kampo ng mga Binay ang naging hakbang ng Ombudsman.
Sa ipinadalang pahayag ng kanilang tagapagsalita, sinabi nito na nagpapakita lamang ito kung gaano ginigipit ang Pangalawang Pangulo at kanyang pamilya.
Umaasa naman anila sila na darating ang araw na malilinawan at mabibigyan sila ng pagkakataon na maipagtanggol at malinis ang kanilang pangalan. (DARLENE BASINGAN / UNTV News)
The post Pagsusulong ng kaso laban sa mga Binay, kaugnay ng umano’y maanomalyang konstruksyon ng Makati Carpark Bldg., pinagtibay ng Ombudsman appeared first on UNTV News.