MANILA, Philippines — Napuno ng mga tagasuporta ng Grace-Chiz tandem at ng 12 senatorial candidate ng Partido ng Galing at Puso ang Plaza Miranda.
Isa-isang pinakilala ang bumubuo sa Partido ng Galing at Puso (PGP).
Kabilang sa 12 senatorial slate ng Grace-Chiz tandem ay sina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, Valenzuela Rep. Win Gatchalian, former Sen. Richard “Dick” Gordon, Atty. Lorna Kapunan, Actor Edu Manzano, Manila Vice Mayor Isko Moreno, OFW champion Toots Ople, ACT-CIS Party-list Rep. Samuel Pagdilao Jr., Sen. Ralph Recto, Pasig City Rep. Roman Romulo, Sen. Vicente “Tito” Sotto III at former Sen. Juan Miguel “Migz’’ Zubiri.
Sa speech ni Sen. Grace Poe, pinasinungalingan nito ang mga sinasabi ng kanyang kritiko na siya ay baguhan sa pulitika, walang kakayahan at hindi tunay na Pilipino.
Aniya tatayo siya ngayon sa harap ng publiko bilang isang lider na may puso at taglay na pagmamahal sa bansa at taumbayan.
Aniya itinuro sa kanya ng kanyang amang si FPJ (Fernando Poe Jr.) at inang si Susan Roces na maging; malinis, masipag at sanay magbanat ng buto, maganda ang asal, tapat at di mapagsamantala, matapang pero di mayabang, matulungin, lalo na sa mga inaapi at mga bata.
Aniya sa tulong ng sambayanang Pilipino ipaglaban niya na ang bawat isa ay may pagkain, may hanapbuhay at edukasyon.
Kabilang sa 20-point adgenda ni Poe ay ang inclusive growth, transparency at global competitiveness sakaling mahalal bilang pangulo sa Mayo.
Pahayag ni Sen. Chiz Escudero, “Layunin namin na magtayo ng isang gobyernong may puso isang gobyernong hindi parang robot o makina, isang gobyerno na may pakiramdam at nakakaramdam.”
Sabi naman ni Sen. Grace Poe, “Ako ay nakatayo sa harap ninyo ngayon bilang isang Pilipino, isang babae na marunong lumaban at makipaglaban lalo na sa mga mapang-abuso, isang lider na may puso at taglay na pagmamahal para sa ating bansa at mga kababayan na siyang nagbibigay sa akin ng lakas upang kayo ay pagsilbihan ng malinis at wasto.”
Sa makasaysayang lugar na ito ng Plaza Miranda, nagtipun-tipon din noong 2004 ang mga taga-suporta ni Fernando Poe Jr. sa kasagsagan ng kanyang disqualification case.
Dito rin sa Plaza Miranda, inilunsad ni Sen. Grace Poe ang kanyang kandidatura sa pagka-senador noong 2013.
Pagkatapos ng PGP Proclamation Rally dito, ang susunod na venue ng Grace-Chiz tandem ay Cebu, Ilocos at Pangasinan. (GRACE CASIN / UNTV News)
The post Grace-Chiz proclamation rally, isinagawa sa Plaza Miranda appeared first on UNTV News.