CALIFORNIA, United States — Sa huling araw ng working visit ni Pangulong Benigno Aquino III dito sa Los Angeles, California kinamusta ng nito ang kalagayan ng ating mga kababayan dito sa ibang bansa.
Pinagkalooban ng Honorary Doctor of Humane Letters Degree si Pangulong Benigno Aquino III sa Loyola Marymount University (LMU). Ito ay bilang pagkilala sa integridad at dedikasyon ng Pangulo sa ating bansa.
Maliban sa doctor’s degree pinagkalooban rin ng honor chords si Pangulong Aquino sa pangunguna ng isang LMU Fil-Am student na si Edward James Asuncion.
Ito ang pangatlong pagkakataon na nabigyan ng honorary degree si Pangulong Aquino ng unibersidad sa ibayong dagat.
Ang dalawang nauna ay sa Fordham University sa New York at Sophia University sa Tokyo.
Matapos ang seremonya ay nagpaunlak naman ng interview ang Pangulong Aquino na pinangunahan ng World Policy Institute.
Nakipagkamustahan rin si Pangulong Aquino sa Filipino community dito sa Los Angeles.
Ngunit bago magbigay ng mensahe ay pinagkalooban nito ng Order of Sikatuna si Philippine Ambassador to the US Jose Cuisia Jr.
Ang Order of Sikatuna ay pinakamataas na diplomatic honor na ipinagkakaloob ng Pilipinas.
Sumentro ang talumpati ng Pangulo sa mga dapat piliin ng mga botante sa darating na eleksyon.
Ani Pangulong Aquino, “Ako po ganadong ganado dahil lalo pa po nating mapapatibay ang daang matuwid at magagawang permanente ang pagbabago tinatamasa natin. Syempre po, may mga katunggali na may kanya kanyang diskarte na para makuha ang inyong matamis na ‘Oo’.
“Bilang pinuno ang kailangan natin ang nakikipasan, yung totoong inuuna ang bayan bago ang sarili kung ako nga po ang tatanungin malinaw na malinaw po kung sino ang may pruweba ng pagsasakripisyo at wala pong iba yan kundi si Mar Roxas at Leni Robredo.”
Ayon sa Pangulo, huwag pipiliin ang mga kandidatong nangangako ng magandang SSS pension hike ngunit hindi naman kayang mai-sustain ito.
“Sa ngayon po, ang fund life ng Social Security System ay aabot sa taong 2042 kung ipapatupad po nila yung mga nagpapapogi babawasan natin ng labing limang taon ang buhay ng social security fund.”
Pinabulaanan rin ng Pangulong Aquino ang mga lumalabas na alegasyon laban sa kanyang administrasyon kaugnay sa vote buying.
“Syempre panahon ng eleksyon ngayon sabi nila ang Bottom Up Budgeting suhol raw namin paano pa kayo manunuhol kung ang para sa Barangay darating pagkatapos naming bumaba… kapag na-approve po yun ako’y private citizen na.”
Sa dalawang araw na working visit ng Pangulong Aquino dito sa Los Angeles iba’t-ibang business opportunities ang inaasahang dala dala nito para sa ating mga kababayan sa pag-uwi nito sa Pilipinas. (CHRISTIE ROSACIA / UNTV News)
The post Pangulong Aquino, ginawaran ng Honorary Doctor of Humane Letters Degree sa Loyola Marymount University appeared first on UNTV News.