PASIG CITY, Philippines — Sa ikatlong pagkakataon, tatangkain ng seasons 1 & 2 runner up PNP Responders na masungkit ang kampeonato ng UNTV Cup, ang liga ng mga public servants.
Sa pamamagitan ng makapigil hiningang 3-point shot ni Seasons 1& 2 MVP Ollan “The Sniper” Omiping sa huling apat na segundo ng laban kontra MMDA Blackwolves nitong Linggo sa Ynares Sports Arena, sinelyuhan ng PNP ang kanilang tagumpay upang makapasok sa final round at tinalo ang MMDA sa score na 72 – 69.
Dikit ang laban sa pagtatapos ng first quarter, lamang ang PNP ng isang puntos, 16 – 15.
Pumutok ng husto ang opensa ng mga pulis sa 2nd quarter sa pangunguna ni PO2 Rolando Abaya na nagrehistro ng sampung puntos sa ikalawang quarter upang pangunahan ang PNP na tinapos ang first half ng may 16 point advantage 46 – 30.
Hindi sumuko ang Blackwolves at nagawang pa lumamang ng dalawang puntos sa pagtatapos ng 3rd quarter 59 – 57.
Pagpasok ng last quarter, dikdikan ng husto ang depensa ng magkabilang team.
Sa pamamagitan ng jumper ni gatekeeper Peter John Villanueva ng MMDA, nagawang maitabla ang score, 69-all, 8.3 seconds na lamang ang nalalabi.
Last four seconds, tumira mula sa rainbow country si Omiping at dito na tinapos ang kampanya ng MMDA sa championship na may twice-to-beat advantage sa semifinals.
Tinanghal na Best Player of the Game si Omiping na may 11 points, 10 rebounds, 4 assists, 3 steals at isang block.
“Sobrang saya, first of all, gusto ko magpasalamat kay Lord. Talagang grabe yung ini-angat namin, eh. Defending champion Judiciary, then eto nga MMDA, number two… iba eh, ang dami talagang humarang sa amin,” pahayag ng tinanghal na best player of the game.
Pahayag naman ni PNP Responders Head Coach Ernesto Ballesteros, “Una sa lahat nagpapasalamat ako kay Lord, sa ibinigay nya na panalo na ito, kay chief PNP, kay General Quinsay at sa buong PNP.”
Nag-ambag naman si PO2 Rolando Abaya ng 16 points at 4 rebounds.
Samantala, nanguna naman sa MMDA si Jeffrey Sanders na may 17 markers at anim na boards at si Cyril Santiago at Peter John Villanueva na kapwa may 12 points.
Makakaharap ng PNP Responders ang AFP Cavaliers sa Finals Game 1 sa February 28 sa Ynares Sports Arena.
Samantalang maglalaban naman ang MMDA Blackwolves at NHA Builders para sa third place sa darating na Linggo. (BERNARD DADIS / UNTV News)
The post Buzzer-beater 3 point-shot ni Ollan Omiping, naging susi sa tagumpay ng PNP Responders upang makapasok sa finals ng UNTV Cup Season 4 appeared first on UNTV News.