PASAY CITY, Philippines — Kaliwa’t-kanan ang bumabatikos ngayon kay Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., anak ng dating Presidente Ferdinand Marcos kaugnay ng isyu ng Martial Law.
Ang iba’y nagpapakilalang Martial Law victims na ayaw ng makabalik muli sa Malacañang ang mga Marcos sa takot na maulit ang diktadura sa bansa.
Naniniwala ang youth leader na si Patrick Plandiano, dating student regent ng Rizal Technological University o RTU, na dapat maipaliwanag ni Senador Marcos ang kanyang papel sa rehimen ng kanyang ama lalo’t vice presidential candidate ito sa eleksyon at patunayang hindi nga siya ang nakaraan.
Ayon naman kay Emilio Aniceta Jr. na naging photographer noong EDSA People Power hindi tama na isisi sa anak ang nagawa ng kanyang ama.
Si Aniceta ay nakapag-cover noong EDSA Revolution bilang wire correspondent at kasalukuyang photographer sa Senado.
“Si Bongbong, anak lang. Bakit mo sisisihan yung anak? Walang alam yun!”
Paniwala naman ni Senador Marcos, bahagi ng pulitika ang pagbuhay sa isyu ng Martial Law
“May tumututol, may bumabatiko pero mayroon din sumusuporta. Umaasa lang tayo na mas marami yung sumusuporta kaysa bumabatikos,” ani Sen. Bongbong.
Samantala, hinamon naman ni Senador Juan Ponce Enrile ang mga kritiko ni Senador Marcos na magdemanda na lang kaugnay sa isyu sa Martial Law.
Ayon kay Enrile, ang Martial Law ay constitutional act o pinapayagan ng Saligang Batas.
Binatikos din nito ang nagsasabing diktador si Presidente Marcos at sinabing kahit si dating Pangulong Corazon Aquino ay naging diktador din nang ibasura nito ang 1973 constitution at palitan ng revolutionary constitution.
Sinabi pa ni Enrile na ang mga programa at polisiya na ginagawa ng mga sumunod na presidente ay nasimulan noong panahon ni Marcos. (BRYAN DE PAZ / UNTV News)
The post Sen. Marcos, tanggap na ang pagbuhay ng ilang grupo sa isyu ng Martial Law appeared first on UNTV News.