QUEZON CITY, Philippines — Napunta sa Sandiganbayan 3rd Division ang kaso ni dating Makati Mayor Junjun Binay na kinasuhan ng graft at falsification of public documents.
Nag-ugat ang kaso ni Binay sa umano’y maanomalyang Makati Carpark project na nagkakahalaga ng 2.2 billion pesos mula 2007 hanggang 2013.
Bukod kay Binay, labing-isa ring mga empleyado at opisyales ng Makati City Hall ang sinampahan ng kaso.
Matapos ang raffle ng kaso kaagad na nagtungo si Binay sa Sandiganbayan 3rd Division kasama ang kanyang abogado para magpiyansa.
Bailable ang mga kasong isinampa laban kay Binay at sa iba pang akusado.
Sa kada-count ng graft ay 30 thousand pesos ang piyansa at 24 thousand pesos naman sa bawat count ng falsification of public documents.
Sa kaso ni Binay, two counts ang isinampa sa kanyang graft at 6 counts naman sa falsification of public documents.
Ayon sa abogado nyang si Atty. Claro Certeza, nasa mahigit 200 thousand pesos ang pyansa ni Binay.
Naghain rin ang mga abogado ni Binay ng motion for determination of probable cause.
“Dahil naniniwala kami na mahina ang ebidensya na finile ng Ombudsman at sa katunayan nga ay walang basis even to issue a warrant of arrest.”
Sinabi ni Atty. Certeza matapos makapagpyansa at masunod ang lahat ng requirements, hindi na maaring arestuhin ang dating mayor ng Makati at hihintayin na lamang nila ang pagharap ng mga testigo laban kay Binay sa korte.
Sinabi ni Binay na ang lahat ng ito ay bahagi nang panggigipit ng mga kalaban nila sa pulitika.
Ani Mayor Junjun, “Ito ang pagkakataon namin na mapatunayang wala talaga kaming pagkakasala dito na lahat ng nanyayari ay dahil sa panggigipit na ginagawa sa aming pamilya at aking ama… Lahat ng ito ay makikita nating isang malaking paraan para ipitin si Jojo Binay na hindi maisakatuparan na matulungan ang mahihirap nating kababayan.”
Isa si Presiding Justice Cabotaje-Tang at Associate Justice Sara Jane Fernandez ng third division ang didinig sa kaso ni Binay na pawang appointees ni Pangulong Aquino.
Umaasa naman si Binay na magiging patas ang dalawang mahistrado sa paglilitis sa kanyang kaso.
“I’m looking forward to a fair and impartial court. Naniniwala naman ako na kahit sila ay na-appoint ng ating pangulo, na sila po ay may sinumpaang tunkulin na kailangan nilang matupad ito na magbigay ng patas na pagdinig sa mga kasong hinaharap po sa kanila,” pahayag anak ni Vice President Jejomar Binay. (DARLENE BASINGAN / UNTV News)
The post Kaso ni dismissed Makati Mayor Junjun Binay at iba pa, hahawakan ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang appeared first on UNTV News.