MAGUINDANAO PROVINCE, Philippines — Inalerto na ng provincial government ang PNP at AFP upang tiyaking hindi aabot sa Maguindanao ang kaguluhang nagaganap sa Zamboanga City.
May ilang kampo dito sa Maguindanao ang Moro National Liberation Front kayat mahalagang mabantayan ito ng mga awtoridad.
Salaysay ni PNP-Maguindanao Director PSSUPT Rodelio Jocson, “Nagche-checkpoint kami at coordinated naman kami sa mga kasundaluhan natin at so far, naman wala naman sanang maging problema.”
Samantala, inatasan na ni Governor Esmael ‘Toto’ Mangudadatu ang 36 na munisipalidad na bumuo ng kani-kanilang Municipal Peace and Order Council para sa maayos na koordinasyon ng local government units at peace keeping forces kapag may kaguluhang nagaganap sa probinsya.
“Talagang ire-require natin sila na magkaroon ng MPOC… gagawa kami ng sulat at saka talaga ipupursige namin yan. Kung sinong hindi gagawa, irerekomenda namin sa DILG, may mga measures na i-aapply sa kanila,” ani Gov. Toto.
Ayon kay Mangudadatu may nakalaan namang pondo mula sa intelligence fund ng lalawigan at maging ang mga munisipyo.
Nananawagan din ang mga awtoridad sa mga municipal mayor na agad ipagbigay alam sa mga awtoridad kung may mga pagkilos ang anumang armadong grupo sa kanilang lugar kasama na rito ang Moro National Liberation Front.
“Lahat naman ng tao dito may cellphone na. High-tech na tayo ngayun eh para naman pag may ginagawa o gagawin pang kalokohan sa mga localities kaagad agad ma-inform ang province, ma-inform ang kasundaluhan natin at ang PNP natin,”dagdag pa ni Mangudadatu.
Nakausap na rin ni PSSUPT Rodelio Jocson ang mga pulis na dating miyembro ng Moro National Liberation Front na makipag-ugnayan sa kanilang mga kamag anak na miyembro ng MNLF na nasa Maguindanao na huwag ng makialam sa mga kaguluhan sa Zamboanga City.
Matatagpuan ang mga kampo ng MNLF at Moro Islamic Liberation Front sa Sultan Kudarat, Maguindanao. (LOUELL REQUILMAN / Photoville International)