PASIG CITY, Philippines – Iba’t-ibang organisasyon ang nakilahok, mayroong grupo ng mga magkakaibigan, grupo ng mga kabataan, mayroon ding senior citizen at mga non-government organization
Isang million signature campaign naman ang inorganisa ng Volunteers Against Crime and Corruption laban sa pork barrel.
Kinumpiska ng mga tauhan ng PNP ang dalang streamer ng isang grupo. Hindi pahihintulutan ng PNP ang pagsasabit o pagdadala ng banner at streamer sa mismong lugar ng EDSA Shrine
Tanghali na nang simulan ang programa ng EDSA Tayo. Pasado alas-dos naman nang magsimulang magtungo sa shrine ang mga militanteng grupo.
Nagkaroon ng kaunting komosyon dahil pilit na ipinapasok ng mga militanteng grupo ang kanilang dalang placards sa shrine. Agad namang nakipagkasundo ang mga organizer at mapayapang nakapasok sa loob ng venue ang mga militanteng grupo.
Ayon naman kay Junep Ocampo, isa sa mga founder ng EDSA Tayo, huwag tignan ang bilang kundi ang layon ng pagtitipon.
“Hindi po kami napaparamihan, ang alam lang po namin, panalangin namin, huwag umulan — dininig naman po. Pangalawa, marami din naman po dumalo. Siguro kung pagsasama samahin pati yung nagsimba kanina siguro nasa limang libo din”
Hindi naman kinumpirma ni Ocampo na dadalo siya sa September 13 gathering sa Luneta ngunit makikiisa na lamang umano sila sa pamamagitan ng pananalangin.
Samantala, natuwa naman ang mga tauhan ng PNP na naging mapayapa ang EDSA Tayo prayer vigil.
Ayon sa estimate ng PNP, nasa mahigit isang libo lamang ang dumalo sa EDSA Tayo prayer vigil, hindi man lamang umabot sa limang libo na kinumpirma ng mga organizer na dadalo sa naturang pagtitipon.
Ang EDSA Tayo protest rally ay nagsimula bilang isang online campaign na umani ng suporta mula sa iba’t-ibang grupo.
Layon ng EDSA Tayo protest rally na makapagtipon ng mga tao na iisa ang paniniwala na dapat nang i- abolish sa Priority Development Assistance Fund o PDAF. (MON JOCSON, UNTV News)