QUEZON CITY, Philippines — “Magte-testify si Mayor Junjun. Gaya nga ng sinasabi ko hindi naman tama yung sinasabi ng kanilang mga katunggali sa pulitika na hindi humaharap si Mayor or si Vice President, haharap sila sa tamang forum, katulad ng husgado na ganito.”
Ito ang pahayag ng abogado ni dismissed Makati Mayor Junjun Binay.
Ayon sa kanyang na si Atty. Claro Certeza, dito mapapatunayan ng kampo ng mga binay na pamumulitika lang at walang basehan ang kaso isinampa ng Office of the Ombudsman laban sa kanya.
Nahaharap kasi ngayon si Binay sa kasong graft at falsification of public documents kaugnay ng umano’y overpriced construction ng Makati City Parking Building na umabot sa 2.2 billion pesos.
Bagaman kasama sa mga dapat kasuhan ng Ombudsman, hindi pa nasampahan si Vice President Jejomar Binay dahil may immunity from suit pa ito.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan 3rd Division nitong Martes sa hiling ni Binay na ma-dismiss ang kaso, napuna naman ni Associate Justice Samuel Martires na tila hindi handa ang prosekusyon sa kaso.
Kulang-kulang pa kasi ang mga supporting document at resolusyon mula sa Ombudsman.
Dahil dito sinabi ni Associate Justice Martires na maaari nilang i-cite in contempt ang Ombudsman dahil sa tila hindi pagbibigay ng importansya sa korte.
Kita umano dito ang pag-aassign nila ng state prosecutors na humaharap sa kanila na hindi handa sa kaso.
Pahayag ng abogado ni Mayor Binay, “Ang nakakapagtaka lang, ngayong andito na tayo sa Sandiganbayan, eh bakit yung mga records wala pa raw, at ang kaso andito na, kaya iyon ang nire-raise ni Justice Martires kanina.”
Sa mosyon nila Binay, ginigiit nilang dapat nang i-dismiss ang kaso dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya laban sa kanila.
Binigyan muna ng korte ng sampung araw ang kampo ng prosecution para maghain ng comment sa mosyon ni Binay, at sampung araw din ang kampo ni Binay para mag-reply dito. Matapos nito, magtatakda pa ng hearing sa Abril bago magdesisyon ang korte kung may sapat na basehan para i-dismiss na ang kaso. (JOYCE BALANCIO / UNTV News)
The post Dismissed Makati Mayor Junjun Binay, handang tumestigo sa kaso sa Sandiganbayan appeared first on UNTV News.