MANILA, Philippines — Siyamnapu’t limang kabataan sa Lungsod ng Quezon ang nagsipagtapos ngayong araw sa ilalim ng Jobstart program ng Dept. Of Labor and Employment.
Kabilang dito sina Jassen Sy at Japet Dayandante na kapwa nahihirapang maghanap ng trabaho dahil sa kakulangan ng karanasan.
Ngunit matapos makumpleto ang programa, kumpyansa ang dalawa na sa tulong ng kanilang mga natutunan ay madali na silang makakaharap sa mga job interview.
“Noong una kasi medyo nahihiya ako tapos nung after na ano ako sa Jobstart, talagang confident na talaga akong humarap sa work place and interviews,” ani Jassen Sy na Jobstart graduate.
“Kung paano mag-handle ng mga stress saka kung paano maging critical thinker,” sabi naman ng isa pang graduate na si Japet Dayandante.
Sa ilalim ng Jobstart program, tutulungan ang mga kabataan na may edad 18-24 na pumili ng tamang trabaho, i-improve ang technical at life skills at ihanda sila sa kakaharaping trabaho.
Pahayag naman ni DOLE ASec. Katherine Brineon, “Nabibigyan sila ng pagkakataon na to be already exposed to actual work situation. And we hope that by doing that, we provide them better for the world of work. Hindi na sila mabibigla.”
Bunsod ng nakikitang tagumpay ng proyekto, hinikayat ng DOLE ang iba pang magsisipagtapos pa lang ngayong taon na subukan ito.
“The design of the Jobstart program is to put together what we see as gaps in the preparation of young workers for work… it’s a full package of support for young workers,” DOLE ASec. Katherine Brineon.
Taong 2014 nang magsimula ang Jobstart program na pinopondohan ng Canadian government sa pamamagitan ng Asian Development Bank.
Mula sa apat, umabot na sa 14 na local government units ang may ganitong programa sa bansa. (DARLENE BASINGAN / UNTV News)
The post Mga high school o college graduates na nahihirapang maghanap ng trabaho, hinikayat na mag-apply sa JobStart program ng DOLE appeared first on UNTV News.