MANILA, Philippines — Bukas ang Korte Suprema na pakinggan ang posisyon ng COMELEC sa pag iisyu ng resibo sa mga botante sa darating na halalan sa Mayo.
Reaksyon ito ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pahayag ng COMELEC na nais nilang mabigyan ng pagkakataon na ipakita sa mga mahistrado kung paano gagana ang mga makinang gagamitin sa halalan.
At kung bakit sa tingin nila ay hindi na kakayanin ang pag-iimprenta ng resibo para sa mga botante.
Pahayag ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, “Nobody’s stopping them from making the correct filing before the court. So, we await whatever they need to manifest before us.”
Dagdag pa ni CJ Sereno, “The procedure is to make such communication with the court because that’s the only way we can take cognizance of the positions there.”
Ayon sa Punong Mahistrado, sinunod lamang ng Korte Suprema ang itinatakda ng batas patungkol sa paggamit ng resibo sa halalan.
Hindi naman aniya naiparating sa kanila ang sinasabi ng COMELEC na gagahulin na sila sa preparasyon.
Kayat sa kanilang desisyon nitong Martes, sinabi ng mataas na hukuman na wala silang nakikitang dahilan upang ipagkait sa mga botante na mabigyan ng resibo na naglalaman ng kanilang mga ibinoto.
“There was no comment filed… we don’t take matters that are aired before the media and that are not properly raised before us. So, I think it’s very important that we act professionally as we ought to,” anang Chief Justice.
Sa halip kasi na magsumite ng comment, mas pinili ng COMELEC na maghain ng mosyon upang palawigin pa ang itinakdang deadline ng korte.
“When we say that the deadline is non-extendible, it is to be taken very seriously because we don’t usually give out such an order,” pahayag ni CJ Sereno.
“I hope everyone can understand because we want to be helpful with the success of the 2016 elections not serve as obstacles to its successful conduct.”
Sabi pa ni Sereno, bahagi ng due process ang pagsunod sa panuntunan ng korte at maiparating nang maayos sa kanila ang anomang kahilingan upang mabigyan ito ng aksyon.
(RODERIC MENDOZA / UNTV News)
The post Korte Suprema, handang pakinggan ang COMELEC sa isyu ng paggamit ng resibo sa halalan appeared first on UNTV News.