QUEZON CITY, Philippines — Umabot sa mahigit apat na libong indibidwal ang nagsama-sama upang bumuo ng human blood drop formation na isinagawa ng Philippine Blood Center nitong Biyernes, March 18 sa Amoranto Stadium, Quezon City.
Sinasabing mas marami ang participants nito kumpara sa largest human blood drop formation na naitala sa South Korea noong 2012 na may mahigit 3,000 participants lamang.
Tumagal ng ilang minuto ang human blood drop formation nitong umaga ng Biyernes na kinabibilangan ng mga estudyante, guro, doktor at barangay officials.
Ayon sa Quezon City Health Office, layunin nito na bigyan ng malawak na kamalayan ang mga mamamayan sa kahalagahan ng boluntaryong pagbibigay ng ligtas na dugo.
Pahayag ni Dr. Verdades Linga, QC health officer, “Papalaksin natin yung ating tinatawag na National Voluntary Blood Service Program na inaanyayahan naming ang lahat na tumulong upang makakuha kami ng mga blood donors.”
Kasabay nito nagsagawa rin ang grupo ng blood donation upang matugunan ang sinasabing kakulangan sa supply nito.
Tinatayang aabot sa 2,500-3,000 units ng dugo ang kinakailangan araw-araw upang mapunan ang kabuuang pangangailangan ng bansa sa dugo.
Ang pagbibigay ng dugo ng isang blood donor ay maaaring makatutulong sa pagsalba ng buhay ng hanggang tatlong tao. (GRACE CASIN / UNTV News)
The post Mahigit 4,000 participants nakiisa sa human blood drop formation na isinagawa ng Philippine Blood Center appeared first on UNTV News.