MANILA, Philippines — Isa ang Pilipinas sa mga bansa kung saan matatagpuan ang uri ng lamok na carrier ng Zika virus o ang tinatawag na Aedes Eegypti.
Sa datos ng Department of Health, lumalabas na mayroon ng dalawang kumpirmadong kaso ng Zika virus infection ang naitala dito sa Pilipinas.
Ang unang kaso ay naitala noong 2012, sa isang 15-anyos na batang lalake sa Cebu na nagpositibo sa mga sintomas tulad ng lagnat, conjunctivitis, pananakit ng ulo at maging ng buong katawan, bagaman wala naman itong travel history sa mga bansang apektado ng Zika virus.
Habang kamakailan lamang ay isang American national rin ang nagpositibo sa Zika virus na maaring nakuha rin nito ng magbakasyon dito sa Pilipinas sa ilang bahagi ng Luzon.
Dahil dito, itinaas na ng Center for Disease Control and Prevention sa alert level two ang travel advisory dito sa bansa.
Ibig sabihin lahat ng mga bibiyahe patungo sa Pilipinas ay kinakailangang gawin ang ibayong pag-iingat upang maiwasan na magkaroon ng Zika virus infection.
Pahayag ni DOH Sec. Janette Garin, “It simply means na meron lang extra precautions na gagawin, yun bang kailangan mong mag-mosquito repellant, at kung ikaw ay buntis at hindi mo naman kailangan pumunta sa mga areas na malamok ng Pilipinas, and if the travel is not necessary so they would not also advise it to pregnant women.”
Ang travel notices na ini-isyu ng CDC ay nahahati sa tatlong kategorya.
Ang Category 1 kung saan kinakailangan gawin ang mga usual health precautions, sa Category 2 ang enhanced precautions, at sa Category 3 ay iwasan ang non-essential travel.
Bukod sa Pilipinas, nakataas rin sa alert level two ang travel history sa Mexico, Brazil, Venezuela at ilan pang mga bansa sa South America.
Ngunit paliwanag ng DOH, posible pa rin itong ma-lift sakaling hindi na madagdagan pa ang kaso ng Zika sa bansa.
Pahayag ni DOH Sec. Janette Garin, “Meron silang parameters, so titingan yan kung walang kaso ng iilang mga taon then we can push for the lifting or kung ma-approve na ilang taon na wala pa ring nagkakasakit o walang walang nahawa.”
Samantala, dumalo rin ang mga kinatawan ng iba’t-ibang medical groups mula sa public and private sector, sa isinagawang Zika virus orientation na pinangunahan ng Department of Health, katuwang ang World Health Organization-Philippines.
Iprinisinta sa forum ang mga mahahalagang impormasyon sa Zika virus at mga pangkasalukuyang hakbang na ginagawa ng DOH upang mapigilan ang posibilidad na paglaganap ng infection sa bansa.
Bukod sa 24 hour-reporting naglabas na rin ang DOH ng communication material na mapapanuod at naka-post rin sa ilang social media sites para sa kaalaman ng publiko.
(JOAN NANO / UNTV News)
The post Travel advisory sa Pilipinas, itinaas ng CDC sa alert level 2 dahil sa Zika virus appeared first on UNTV News.