BACOLOD, Philippines — Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang hit-and-run incident sa Barangay Taculing, Bacolod City pasado alas onse nitong gabi ng Martes.
Nilapatan ng pang unang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang biktima na si Norman Qui-ai na nagtamo ng sugat sa loob ng kaniyang bibig at kaliwang palad, gasgas sa kanang binti at kaliwang siko at iniinda ang pananakit ng tagiliran.
Matapos malapatan ng first aid ay agad itong dinala sa Corazon Locsin Memorial Regional Hospital.
Ayon sa nakasaksi na truck driver na si Rolando Boligid, mabilis at pa gewang-gewang ang takbo ng isang puting pickup na nakabangga sa naglalakad na biktima.
Sa halip na huminto ay mabilis na pinahururot pa ng driver ang sasakyan kaya hindi nila nakuha ang plate number nito.
“Napansin ko yung pick up na humaharurot, ume-ekis talaga yung takbo,” anang saksi.
Sa ngayon, inaalam na ng mga awtoridad kung papaano makikilala ang nakabanggang suspect.
JIM ESTIMAR / UNTV News
The post Biktima ng hit and run sa Bacolod City, tinulungan ng UNTV News and Rescue appeared first on UNTV News.