PAMPANGA, Philippines — Tinulungan ng UNTV News and Rescue ang biktima ng bangaan nang motorsiklo at tricycle sa San Jose Bridge, San Simon, Pampanga, Sabado ng gabi.
Nasa loob na ng isang sasakyan ang biktima na si Angelo Dejito, driver ng motorsiklo nang datnan ng grupo.
Nilapatan ng news and rescue team ng paunang lunas ang tinamong malaking sugat sa kaliwang paa ng biktima, maging ang idinadaing na pananakit ng kamay, at ang namamaga at di maigalaw na kaliwang binti.
Matapos bigyan ng paunang lunas ang biktima ay dinala na ito sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa San Fernando City.
Samantala, nagtamo naman ng maliit na sugat sa bibig ang driver ng tricycle na nakabangaan ni Dejito na tumanggi nang magpadala sa hospital.
Ayon sa mga nakakita sa aksidente nasa north-bound lane ng tulay ang biktima, sakay ng motorsiklo samantalang nasa kabilang direksyon naman ng tulay ang tricycle na minamaneho ni Nataniel Torres.
May iniwasan umano si Dejito kaya napunta sa kabilang linya ng tulay na naging dahilan ng banggaan. (BRYAN LACANLALE / UNTV News)
The post Lalakeng biktima sa bangaan ng motorsiklo at tricycle sa San Simon, Pampanga, binigyan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue appeared first on UNTV News.